Gusto kong ipagdiinan na ang talim ng kalayaan sa pamamahayag ay unang inihahasa sa kampus ng iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa buong kapuluan.
Ang ating mga mag-aaral, lalo na ang mga kasapi sa pamatnugutan ng mga school organ o pahayagan at iba pang babasahin, ay aktibo sa pagsusulong ng naturang makapangyarihang kalayaan. Kapansin-pansin na sa harap ng kabi-kabilang mga pagtatangka na supilin ang press freedom, mistulang nakikipagdigmaan ang mga mag-aaral sa kinauukulang mga sektor na sumasagka sa kanilang kalayaan sa pagsusulat at pagsasalita. Matatag ang kanilang panindigan na isiwalat at isulat ang kanilang mga saloobin sa makatuturang mga isyu na dapat malinawan hindi lamang sa loob ng kampus kundi maging sa mga komunidad. Natitiyak ko na bilang bahagi ng mga patakaran ng gobyerno, walang pag-aatubiling nilagdaan ni Pangulong Duterte ang batas na nagtatakda ng National Campus Freedom Day (NCPFD) tuwing Hulyo 25 taon-taon. Ang naturang batas na kamakailan lamang ipinagbigay-alam sa media, ay pinaniniwalaan kong isang patunay ng pambihirang kontribusyon sa pagsusulong o pagpapaunlad ng naturang kalayaan na malinaw na itinatadhana sa ating Konstitusyon. Ang pagtataguyod ng press freedom sa mga kampus, tulad ng pagsusulong nito ng ating mga kapatid sa propesyon sa iba’t ibang media outfit, ay nagiging epektibong instrumento sa pagsisiwalat ng hindi kanais-nais na pamamalakad sa ating mga paaralan. Nakatutuwang mabatid na ang opinyon at iba pang lathalain ng mga estudyante ay isinasaaalang-alang naman ng pamunuan ng naturang mga kolehiyo at pamantasan. Sa selebrasyon ng NCPFD, maliwanag ang probisyon ng nasabing batas: Inaatasan ang lahat ng educational institution na suportahan at tulungan ang preparasyon at iba pang aktibidad ng mga estudyante. Nangangahulugan na ang pamunuan ng mga paaralan ang magiging katuwang ng mga estudyante sa tagumpay ng nabanggit na pagdiriwang. Sa bahaging ito, nais kong bigyang-diin na ang campus journalism ang itinuturing na palihan ng iba’t ibang aspeto ng peryodismo na taglay ngayon ng tinatawag na mga professional journalists. Isang katotohanan na ang ating mga kapatid sa pamamahayag na naglilingkod sa print at broadcast media outfit ay nagsimula sa mga kampus; halos lahat sa kanila ay naging miyembro ng editorial staff ng kani-kanilang mga school organ. Dahil dito, angkop na angkop ang NCPFD sa pagpapahalaga ng mga campus journalist sa pagtatanggol sa press freedom, isang kalayaan na hindi dapat kitilin ng sinuman.
-Celo Lagmay