SA kabila ng pagtiyak ng Department of Agriculture (DA) na dinapuan nga ng African Swine Fever (ASF) ang 14 na baboy mula sa ating bansa, naniniwala ako na naglaho ang matinding pangamba na gumiyagis sa bilyun-bilyong pisong hog industry; napawi ang bangungot, wika nga, na hatid ng naturang sakit ng baboy matapos suriin ang dugo ng mga ito sa United Kingdom.
Totoo na positibo sa ASF ang ilang baboy mula sa Rizal, subalit nakalulugod mabatid na ligtas pa ring kainin ang karne ng naturang mga alagang hayop. Pinatunayan ito sa isang boodle fight na pinangunahan ni DA Secretary Willam Dar, kasama ang ilang opisyal ng Department of Health na pinangungunahan naman ni Secretary Francisco Duque III.
Ang ganitong pagpapamalas ng kaligtasang kainin ang karne ng ating mga alagang baboy ay tinularan ng ating mga kababayan, lalo ng mga may kaugnayan sa hog industry. Kabi-kabila ang boodle fight na isinagawa sa iba’t ibang lugar, kabilang na ang ilang bayan sa aming lalawigan sa Nueva Ecija, at ilan pang kanugnog na lugar. Maging ang ilang istasyon ng radyo at telebisyon – tulad ng DZRH – ay nakiisa rin sa pagpapamalas ng katiyakan na ligtas kainin ang karne ng baboy na niluto sa iba’t ibang putahe, tulad ng litson. Marapat lamang tiyakin na ang mga ito ay dumaan sa masusing pagsusuri at may kaukulang permiso mula sa National Meat Inspection Service (NMIS).
Gayunman, hindi tayo dapat maging kampante sa pagpawi ng bangungot na likha ng ASG. Marapat na tumalima tayo sa mga protocol o mga pamamaraang inilatag ng DA upang maiwasan ang pagkalat ng naturang sakit ng baboy. Dapat tumugon ang swine raisers, kabilang na ang mga nag-aalaga sa likod-bahay, sa pagpapalakas ng kanilang bio-security measures; kaakibat ito ng pagbibigay-alam sa mga awtoridad ng pagkamatay ng kani-kanilang mga alagang baboy. Sa gayon, maaagapang lunasan ang paglaganap ng anumang karamdaman, kabilang na ang kinatatakutang hog cholera. Maging ang paglilibing ng patay na baboy ay kailangan ding sumunod sa mga protocol at iba pang tagubilin na inilatag ng DA. Marapat ding matyagan ng mga swine raisers ang kilos ng kanilang mga alaga na maaaring may pagdurugo o hemorrhage at walang gana kumain.
Sa pagtugon sa mga panawagan ng DA hinggil sa wastong pangangalaga sa naturang mga hayop, naniniwala ako na mapapawi ang pangamba at bangungot na hatid ng nakakikilabot na ASF.
-Celo Lagmay