BAGAMAT nakalipas na ang selebrasyon ng Grandparents’ Day, hindi ko maaaring palampasin ang isang ginintuang pagkakataon upang magbigay-pugay sa ating mga Lolo at Lola; lalo na ngayon na ang karamihan sa kanila ay matagal nang sinundo ng Panginoon, wika nga; lalo na ngayon na marami sa atin ang Lolo at Lola na rin ng ating mga apo.
Sa mga katulad kong lumaki sa pagkandili ng isang Lola, nais kong gunitain ang walang katulad na pangangalaga sa amin ng aming Lola Kalis (Calixtra Beltran Lagmay). Siya ang nakapiling namin hanggang sa siya ay sumakabilang-buhay sa edad na 101. Nais kong dakilain ang kanyang mga pagpapakasakit na kaakibat ng paghubog sa aking kaisipan na naging bahagi ng huwarang pakikipagkapuwa-tao.
Mula sa isang maliit na barangay sa San Pedro, Batac, Ilocos Norte, si Lola at iba pa naming mga ninuno ay nandayuhan sa isa ring maliit na barangay sa Batitang, Zaragoza, Nueva Ecija. Palibhasa’y angkan ng mga magbubukid, pagtatanim ng palay at gulay at pag-aalaga ng biik at manok ang naging bahagi ng aming pamumuhay. Kasabay ng mga gawain sa bukid, hindi nalimutan ni Lola ang nakagawian niyang libangan at hanapbuhay: Paghabi ng damit-Iloco na bahagi ng mayamang kulturang Pilipino.
Hindi ko malilimutan ang matiyagang pagkupkop ni Lola sa akin – at sa iba pa nilang mga apo – sa kanyang barung-barong na yari sa atip ng kogon, ding-ding na kawayan at haliging ipil-ipil. Isa itong maluwang na bahay-kubo na nakatuwaan kong kunan ng larawan at inilahok sa isang photo contest sa paaralang aking pinapasukan. Pinamagatan ko ito ng ‘Ang Daigdig ni Lola’ na pinalad na magtamo ng pangunahing gantimpala.
Sayang. Ang naturang makasaysayang bahay ay nakamatayan ni Lola makaraan lamang ang ilang panahon nang siya ay yumao sa mahigit na 100 taong gulang. Nakamatayan na rin niya ang walang pakundangan sa pagpapagiba ng kanyang ‘daigdig’ na nakatarik sa isang bahagi ng sinasaka naming bukirin na pag-aari ng isang landlord.
Nakamatayan ni Lola ang pagbebenta ng malawak na lupain sa isang dambuhala at mapalad na subdivision developer. Isa itong transaksiyon na mistulang lumipol sa mag agri-lands na sana ay makatutulong sa pagpapalaki ng aning palay.
Nakamatayan na rin ni Lola ang malaki-laki rin namang biyaya sa sinumang nakasapit sa 100 anyos o higit pa; kaakibat ng iba pang benepisyo para sa mga senior citizens – kasabay ng paglaho ng kanyang daigdig.
-Celo Lagmay