KASABAY ng masusing pagbusisi sa kontrobersyal na good conduct time allowance (GCTA) law – at sa iba pang masasalimuot na isyu na gumigiyagis sa Duterte administration – marapat lamang ibaling ng pamunuan ng kinauukulang mga ahensiya ng gobyerno ang kanilang atensiyon sa makabuluhan at makataong misyon para sa kapakanan ng ating mga kababayan.
Sa pagkakataong ito, kailangang paigtingin ng Department of Health (DoH), lalo na ng mga local government units (LGUs), ang kampanya laban sa iba’t ibang karamdaman kabilang na ang kinatatakutang dengue. Kaugnay ito ng tila hindi pa humuhupang epidemya ng naturang sakit na hanggang ngayon ay namiminsala sa iba’t ibang sulok ng kapuluan.
Totoo na hindi dapat lubayan ang imbestigasyon sa sumambulat na anomalya sa Bureau of Corrections (BuCor), at sa iba pang tanggapan na pinamumugaran ng mga tiwali, pabaya at mapagsamantalang mga lingkod ng bayan. Kailangang malantad ang ugat at mga pasimuno sa mga kabulukang halos magpabagsak sa kasalukuyang administrasyon; mga tauhan ng pamahalaan na balakid sa matino, matatag at malinis na gobyerno na ipinangangalandakan ng Pangulo.
Naniniwala ako na higit na dapat pag-ukulan ng makabuluhang pansin ang dengue epidemic na masyadong nagdudulot ng pangamba sa ating mga kababayan, lalo na nga sa ating mga mahal sa buhay na hanggang ngayon ay nakaratay sa mga pagamutan dahil sa naturang sakit.
Dahil dito, nakatutuwang mabatid na ang ilang LGUs ay namamahagi ng mga kulambo upang maiwasan, kahit paano, ang mga lamok na naghahatid ng dengue na kung tawagin ay aegis aegypti. Ang mga kiti-kiting naturang mapanganib na insekto ay masusugpo rin sa pamamagitan ng pambobomba o fumigation ng mga kemikal. Marapat isabay sa ganitong pagsisikap ang iba pang hakbang laban sa naturang lamok na matinding mangagat kung dapit-hapon; kailangang iwasan ang pag-iimbak ng tubig na tiyak na pamumugaran ng nabanggit na insekto.
Hindi dapat panghinayangan ng LGUs ang pamamahagi ng libreng gamot sa dengue, tulad ng ginagawa ngayon ng San Pedro City (Laguna) government. Kaakibat ito ng paglaan ng mga silid o ward para sa mga dengue patients. Natitiyak ko na ganito rin ang pagsisikap at pagmamalasakit ng iba pang ospital upang mabawasan man lamang ang mga dinadapuan ng nasabing mapanganib na karamdaman. Ang Quezon City, Maynila at iba pang siyudad, halimbawa, ay nagtalaga ng special dengue team na walang ibang aatupagin kundi pangangalaga sa mga dengue patients.
Ang gayong makataong misyon ng iba’t ibang sektor ng sambayanan, lalo na ang medical personnel ay hindi manghinawa sa pagtupad ng kanilang makatatuturan at walang kinikilingang misyon sa kapakanan hindi lamang ng mga dengue patients kundi ng iba pang may mga karamdaman.
-Celo Lagmay