Isa na namang nakakikilabot na babala ang ibinulalas ni Pangulong Duterte: Shoot-to-kill sa mga pinalayang mga preso kung hindi sila susuko, lalo na kung sila ay manlalaban. Ang naturang mga bilanggo na umaabot sa halos 2,000 ay kailangan umanong ibalik sa kanilang mga kulungan; sanhi ito ng sinasabing mga pagkakamali sa pagtuos o computation ng kanilang sentensiya kaugnay ng implementasyon ng good conduct time allowance (GCTA) law.
Gusto kong maniwala na ang nakasisindak na pahiwatig ng Pangulo ay nakalundo sa sinasabing pagkakamali at magkakasalungat na interpretasyon ng naturang batas. Iyon ang lumilitaw na pinagbatayan ng pagpapalaya sa daan-daang mga preso na nakapagpamalas ng magandang pag-uugali samantalang pinagdudusahan ang kanilang pagkakasala; kabilang sa mga pinalaya ang mga nahatulan ng life sentence dahil sa karumal-dumal na mga krimen tulad ng pagpatay, panggagahasa, pagkidnap at pagkakasangkot sa kasumpa-sumpang illegal drugs.
Kabuntot ng nasabing nakakikilabot na pahayag ng Pangulo ang kanyang pagbibigay-diin na ang pagpapatibay at pagpapatupad ng GCTA ay hindi naganap sa kanyang panunungkulan. Pinatutunayan sa public hearing sa Senado na ang naturang batas ay pinagtibay noong panahon ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III. Lumilitaw na ang implementing rules and regulation (IRR) ay magkatuwang na binalangkas ng mga dating Kalihim na sina Leila de Lima (ngayon ay Senador) ng Department of Justice (DOJ) at Mar Roxas ng Department of Interior and Local Government (DILG). Noon din nagsimula ang sunud-sunod na pagpapalaya sa mga preso na umano’y nakatutugon sa naturang batas.
Ang magkakaibang pakahulugan sa GCTA ay naglantad sa sinasabing talamak na katiwalian sa pagpapalaya ng mga preso -- mga alingasngas na pinaniniwalaang kinapapalooban ng limpak-limpak na suhol. Humantong din ito sa masyadong panggagalaiti ng Pangulo, lalo na nang iutos niya ang pagpapatigil o suspensiyon ng pagpapatupad ng naturang batas; kabilang na rito ang kanyang matinding utos hinggil sa pagbibitiw ni Bucor Director-General Nicanor Faeldon at sa puspusang imbestigasyon sa iba pang opisyal na maaaring kasabuwat sa katiwalian.
Matatag ang determinasyon ng Pangulo upang maibalik at pasukuin ang pinalayang mga preso. Kaakibat ito ng pagpapaugong ng shoot-to-kill order. Paulit-ulit niyang binigyang-diin na pananagutan niya ang anumang magiging resulta o bunga ng kanyang utos, kahit na siya ay isalang sa impeachment proceedings.
Gusto kong maniwala na ang nabanggit na mga pangyayari at ang mismong pahiwatig ng Pangulo ay maituturing na isang malagim na pagkakamali sa pakahulugan ng GCTA.
-Celo Lagmay