A kainitan ng mistulang pag-uusig sa liderato at mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) sa sunud-sunod na pagdinig sa Senado, nalantad ang inaakala kong misteryosong pagpapalaya sa mga preso kaugnay ng tila mahiwaga ring implementasyon ng good conduct time allowance (GCTA). Inihudyat ng naturang public hearing ang pag-alingasaw ng mga kabulukang nagaganap hindi lamang sa BuCor kundi maging sa iba pang ahensiya ng gobyerno na hanggang ngayon ay pinamumugaran ng mga tiwali at mapagsamantalang mga lingkod ng bayan.
Sa pagpapatupad ng GCTA, libu-libong bilanggo ang nakatakdang palayain matapos na sila ay makapagpamalas ng magandang pag-uugali samantalang pinagdudusahan ang kanilang mga sentensiya. Daan-daan nang mga preso ang pinalaya sa sinasabing kontrobersyal na pamamaraan, tulad ng nabulgar sa hearing sa Senado; lumutang ang mga sapantaha na nagkaroon ng kabi-kabilang suhulan sa pagpapalaya ng mga bilanggo, kabilang na ang mga nahatulan dahil sa karumal-dumal na mga krimen.
Hindi ko na bubusisiin ang mga detalye ng sinasabing mga kabulukang gumigiyagis sa BuCor. Sapat nang malantad ang katotohanan na ang mga alingasngas na naganap sa naturang ahensiya ay tila kanser na kumakalat din sa iba pang tanggapan ng pamahalaan. Sa Bureau of Customs (BoC), halimbawa, lumutang din ang sinasabing malawakang pagpupuslit ng bilyun-bilyong pisong illegal drugs o shabu. Bukod pa rito ang mga kontrabando na pinagkakakitaan din umano ng ilang gahamang tauhan na magkakasabuwat sa nasabing ahensiya. Nakadidismayang mabatid na ang gayong mga katiwalian ay hindi masugpo sa kabila ng pagtatalaga ng mga opisyal na may mga kakayanan sa matinong pamamalakad.
Maging ang Bureau of Internal Revenue (BIR) – ang pangunahing tax-generating agency ng gobyerno – ay sinasabing pinamumugaran din ng ilang tiwaling opisyal at kawani. Mismong si Pangulong Duterte ang nagpahiwatig na may mga milagro ring nagaganap sa nasabing tanggapan, lalo na nang kanyang sinabi: Isusunod ko ang BIR; kaakibat ito ng kanyang determinasyong lipulin ang mga anomalya na balakid sa huwarang pamamahala.
Totoo na may iba pang ahensiya na talamak sa korupsiyon. Ang pag-alingasaw ng gayong mga kabulukan sa naturang mga opisina ay tila sinasadya bilang pagsabotahe sa anti-corruption at illegal drugs ng Duterte administration; pagsabotahe na kailangang masugpo, kasabay ng paglipol sa mga pasimuno sa katiwalian, kabilang na ang ilang opisyal na sanggang-dikit sa Pangulo.
-Celo Lagmay