Obiena, lusot sa 2020 Tokyo Olympics via qualifying standard
SA unang pagkakataon, may atletang Pinoy sa athletics sa sasabak sa Olympics matapos makalusot sa itinakdang qualifying standard.
Naitawid ni Ernest John Obiena ang pole vault sa taas na 5.81 meters sa Salto Con L'asta In Piazza Chiari 2019 nitong Martes sa Italy upang tanghaling unang Pinoy na kwalipikadong makalaro sa 2020 Tokyo Olympics.
Nalagpasan ng 23-anyos mainstay ng University of Santo Tomas ang qualifying standard na 5.80 meters.
Kinumpirma nina Philippine Track and Field Association of the Philippines (PATAFA) president Philip Ella Juico, maging ng ina nitong si Jeannette ang tagumpay ni Obiena na halos anim na buwan nang nagsasanay sa Italy.
"Opo, we received confirmation po na pasok na siya sa Olympics. Masayang masaya po buong pamilya. Nagpapasalamat po kami at nagawa niyang ma-hit yung target,” pahayag ni Jeanette.
"He never gave up po. Sabi niya anduon na rin daw siya kailangan makuha niya. And Yun nga po nakuha niya. Masayang masaya po kaming lahat for him at very proud po," sambit ni Jeanette, patungkol sa 5.58 meters na naitala ni Ernest sa unang pagtatangka.
Regular na nakapagpapadala ang bansa ng kinatawan sa athletics event sa Olympics batay sa programa ng International Athletics Federation kung saan required ang bawat miyembro na makapagpadala ng dalawang kinatawan.
Sa pagkakataong ito, hindi libre bagkus pinaghirapan ni Obiena ang kanyang tiket sa biennial meet sa Tokyo sa susunod na taon.
“Talagang mahusay at determinado. Daig na niya ako. Ako SEA Games lang ayos na,” pabirong pahayag ng ama na si Emerson, SEA Games gold medalist.
Sa kasalukuyan, puspusan ang paghahanda ng iba pang atletang Pinoy para sa nakatakdang qualifying Games para sa Olympics, kabilang dito ang boxing team at si weighlifter Hidilyn Diaz.
Target ng 27-anyos na si Diaz na malagpasan ang silver medal na nakamit sa 2016 Rio Olympics.
-Annie Abad