DALAWANG buwan palang ang nakalilipas simula nang manalo si Zephanie Dimaranan bilang unang Idol Philippines ay hindi na siya makahinga sa rami ng offers at projects na gagawin.
Nakailang beses na siyang naimbitahan sa mga out of town show, corporate shows, TV guestings at kamakailan ay nag-record siya ng awitin na soundtrack para sa isang teleserye na hindi pa binanggit.
Naka-tsikahan namin ang handler ni Zephanie na si Cynthia Roque ng Cornerstone Entertainment nitong Lunes nang hapon at nabanggit niya na kaliwa’t kanan ang project ng alaga nila.
Matagal na pala nilang talent si Zephanie, “nu’ng unang sumali siya sa The Voice Kids, kinausap na namin at pinayuhan na siguro hindi pa time kasi nga hindi naman siya nakuha. Tapos sa TNT (Tawag ng Tanghalan) ganu’n din, so inalalayan namin talaga. Nakakatuwa kasi mabait ‘yung bata at nakikinig,” kuwento ni Cynthia.
Looking forward nga raw si Zephanie dahil may out of the country siya para sa TFC kaya masaya dahil ito ang unang beses niyang lalabas ng bansa.
“Sabi ko nga sa kanila kasama parents na malaki ang hirap nila paano nila narating ‘yung ngayon kaya sana huwag silang pasaway o si Zeph na ‘wag magiging sakit ng ulo sa mg aka-work niya. Sabi ko, isipin niya ‘yung mga pinagdaanan niya,” sabi pa sa amin.
Napansin din naming mabait nga ang dalagita at pansin iyon sa body language niya dahil ilang araw palang siyang tinanghal bilang Idol Philippines ay nakita namin siyang nakapila sa ELJ building para kumuha ng visitor’s pass at napaka-simple lang at kapag may bumabati sa kanya ang ngumingiti at kapag may nagpapa-picture ay go siya. Sana lang hindi siya magbago pag sikat na sikat na siya.
“Ay hindi, alam nila ‘yan, talagang sinabihan ko na to the max. Sila rin naman ang mawawalan kapag nagbago sila ng ugali,” katwiran ni Cynthia.
Hindi naman daw nakikialam ang magulang ni Zephanie na ang mama ay dating bookkeeper at pastor ang tatay niya.
Taga-Laguna City si Zephanie pero kinunan ng Cornerstone ng condo unit malapit sa ABS-CBN para hindi nahihirapang bumiyahe kapag may mga appointment.
“Ang hirap ng biyahe kaya dito na lang sila sa malapit, at least pag walang ginagawa, pinapatulog ko lagi, sabi ko kailangan niyang matulog ng matulog kasi sunud-sunod ng lakad, nakakatuwa kasi ang bait, Reggee, sana hindi magbago,” masayang kuwento pa ni Cynthia.
-Reggee Bonoan