SA isang public hearing sa Kongreso kamakailan kaugnay ng masalimuot na implementasyon ng Rice Tariffication Law (RTL), napansin ko ang tila walang katapusang panggagalaiti ng isang magsasaka na nagkataong isang kapuwa Novo Ecijano. Hindi naikubli ang kanyang pagpupuyos dahil sa matinding paghihinanakit sa kinauukulang mga Lingkod ng bayan na mistulang kumawawa at nagpabaya sa mga magbubukid.
Halos ipagsigawan ng ating kababayang magsasaka ang matinding pagbagsak ng presyo ng kanilang inaaning palay dahil nga sa naturang batas. Isipin na lamang na umaabot na lamang sa pitong piso ang isang kilo ng palay na dating nabibili ng P17 pataas ng bawat kilo ng tuyong palay.
Nakapanlulumong mabatid na sa kabila ng sapat na ani ng ating mga magsasaka, tila ipinagwalang-bahala ito ng administrasyon at ng Kongreso dahil sa pagsasabatas ng RTL; pinabaha sa mga pamilihan ang sinasabing murang inangkat na bigas sa halip na magkasiya na lamang sa sapat na produksiyon ng ating mga magbubukid. Natitiyak ko na ito ang dahilan kung bakit nais na lamang ng mga magbubukid na ibenta ang kanilang lupang sinasaka at humanap ng ibang ikabubuhay.
Mabuti na lamang at ang mistulang pang-aapi sa mga magsasaka ay sinagip ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Agriculture na pinamumunuan ni Secretary William Dar ay naglaan ng pondo para sa pagpapalawak ng Survival and Recovery (SURE) program; ang pondo ay maaaring manggaling sa taripa mula naman sa ipinatutupad na RTL. Maaaring bahagi ito ng umiiral na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps); ang mga magsasaka ay pauutangin ng P15,000 na babayaran sa loob ng walong taon. Posibleng pasimula lamang ito ng pagkakaloob ng iba pang ayudang pang-agrikultura na tulad ng mga farm machinery na bahagi ng P10 bilyong taripa mula sa RTL.
Nakatutuwang mabatid na kinumpirma ni Secretary Dar ang paglalaan ng P200 milyon para sa mga lalawigan upang sagipin ang tumitinding programa sa pagsasaka sa naturang mga lugar – sa mga local government units (LGUs). Ang pagsusulong ng naturang pagsisikap ay sinimulan sa aming lalawigan sa Nueva Ecija na pinamumunuan ni Gob. Aurelio ‘Oyie’ Umali.
Mula sa naturang pondo, binibigyang-diin ni Gob. Umali ang pagbili ng aning palay ng mga magbubukid sa halagang P15 kada kilo. Sasagutin na rin ng pamahalaang panlalawigan ang pagpapagiling ng palay kasabay ng pagbebenta ng bigas sa mga magsasaka. Nauna rito, binuo na rin ng gobernador ang Provincial Food Council (PFC) upang makatulong din sa aming mga kalalawigan sa kanilang mga pangangailangan sa pagkain.
Natitiyak ko na ang mga pagsusumikap ng DA at ng mismong liderato ng aming probinsya ay makatutulong sa pagpapahupa ng masyadong panggagalaiti ng mga magsasaka, lalo na sa mga lugar na itinuturing na rice granary of the Philippines.
-Celo Lagmay