MAKALAPIT sa asam na first round sweep ang tatangkain ng defending champion Creamline sa pagsabak kontra sa Pacific Town Army ngayong hapon sa pagpapatuloy ng PVL Season 3 Open Conference sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Nasa solong pangingibabaw hawak ang malinis na markang 6-0, itataya ng Cool Smashers ang malinis na karta sa pakikipagtuos sa Lady Troopers na magkukumahog namang makaahon sa kinasadlakang dalawang dikit na kabiguan na nagbaba sa kanila sa ikalimang puwesto taglay ang patas na markang 2-2.

Mauuna rito, magtutuos sa pambungad na laban ganap na 2:00 ng hapon ang kasalukuyang pumapangatlong Banko Perlas at ang rumaratsadang Balipure.

Kababalik pa lamang ng Perlas Spikers sa winning track matapos ang straight sets nilang panalo kontra Chef’s Classic noong nakaraang Agosto 25 habang nagposte naman ng dalawang sunod na panalo ang Purest Water Defenders matapos matalo sa unang tatlo nilang larp, pinakahuli kontra din sa Chef’s Classic (3-1) noong Agosto 31.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Sa huling salpukan, target naman ng PetroGazz ang ikatlong sunod na panalo sa harapan nila ng Choco Mucho ganap na 6:00 ng gabi.

Matapos malasap ang ikalawang kabiguan sa kamay ng Cool Smashers nitong Agosto 24, nagtala ang Angels ng dalawang dikit na panalo, pinakahuli noong nakaraang Linggo-Setyembre 1 kontra Air Force (3-0) na nag-angat sa kanila sa ika-4 na puwesto taglay ang markang 3-2, kasunod ng Perlas Spikers (4-2).

Sa panig naman ng kanilang kalaban, hangad ng Flying Titans na makaahon sa binagsakang dalawang sunod na kabiguan na nagbaba sa kanila sa ika-6 na posisyon kasalo ng Balipure.

-Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Filoil Flying V Center)

2:00 n.h. -- Banko Perlas vs Balipure

4:00 n.h. -- Pacific Town Army vs Creamline

6:00 p.m. -- Choco Mucho vs PetroGazz