NAKATUTULIG ang matinding pahiwatig ni Pangulong Duterte sa ika-31 taong anibersaryo ng comprehensive agrarian reform program (CARP): “The greatest aberration of the agrarian reform program.” Ang tinutukoy ng Pangulo ay ang Hacienda Luisita na lumihis sa pagpapatupad ng tunay na adhikain ng land reform; hindi isinakop o ipinuwera sa land reform program ang naturang lupain noong panahon ni Pangulong Corazon Aquino. Sa kabila ng katotohanan na ito ay itinuturing na ‘centerpiece’ ng kanyang administrasyon.
Sa naturang okasyon, natitiyak kong nalugod ang sambayanan, lalo na ang ating milyun-milyong magsasaka dahil sa pamamahagi ng libu-libong certificate of land ownership award (CLOA) na sumasakop sa 87,000 ektarya ng lupain; kabilang dito ang 112 ektarya ng Luisita estate na hanggang ngayon ay sinasabing ginigiyagis pa rin ng alitan ng pangasiwaan nito at ng mismong mga magsasaka.
Nakapanlulumong gunitain na maging noong panahon ni Pangulong Benigno S. Aquino III, ang naturang malawak na hacienda na sumasakop sa halos 5000 ektarya ng agricultural land, ay hindi ipinamahagi sa halos 7000 orihinal na mga benepisyaryo. Tulad ng pagbibigay-diin ng Pangulong Duterte, ang distribusyon ng nasabing lupain ay iniutos ng Korte Suprema; subalit sinasabing hindi ito tinupad— isang aksiyon na maaaring maging dahilan ng pagsiklab ng damdamin ng kinauukulang mga magbubukid na humantong sa kamatayan ng ilan sa kanila. Kung hindi ako nagkakamali, ang gayong mistulang giyera ay tila karugtong ng naganap na massacre sa Mendiola noong Aquino administration.
May mga sapantaha na ang kontrobersiya sa Hacienda Luisita ay naging dahilan ng pagpapatalsik kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona (SLN). Panahon niya nang iutos ang pamamahagi ng malawak na lupain sa mga magbubukid.
Biglang sumagi sa aking utak ang kauna-unahang deklarasyon ng land reform program sa bansa. Panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos nang ipatupad ang naturang utos; mismong lupain ng Pangulo ang ginawang halimbawa ng pamamahagi ng mga bukirin sa mga magsasaka. Nagkataon na ang ipinamahaging agriland ay matatagpuan sa Laud-ti-idi, isang lugar na nagkataong nasasakop ng aming bayan sa Zaragoza, Nueva Ecija.
Ang matalim na pahiwatig ng Pangulo hinggil sa walang humpay at determinadong implementasyon ng CARP ay natitiyak kong sumasakop, hindi lamang sa Hacienda Luisita estate, kundi maging sa iba pang lupain na pag-aari ng malalaking land owners na hanggang ngayon ay nakikipaglaro pa, wika nga, sa land reform law. Ang mistulang pagkamkam sa mga agrilands ay mistulang pagpatay sa ating mga landless farmers.
-Celo Lagmay