ANG ‘no homework’ bill – tulad ng ibang kontrobersyal na panukalang-batas – ay dapat maituturing din na dead-on-arrival sa plenaryo ng Kongreso. Batay sa mga karanasan hinggil sa pagpapalawak at pagpapahalaga sa sistema ng edukasyon, wala akong makitang lohika sa naturang bill na sinasabing magkatuwang na isinusulong ng mga mambabatas at ng mismong Department of Education (DepEd).
Ang mga araling-bahay o homework ay naging bahagi na ng mga pagsisikap ng mga guro, magulang at ng mismong mga mag-aaral sa pagpapayabong ng mga kaalaman sa iba’t ibang larangan ng karunungan. Pagkatapos ng klase, halimbawa, taglay sa pag-uwi ng mga estudyante ang mga homework na ipagpapatuloy nilang pag-aralan sa kanilang mga tahanan. Dapat lamang asahan na sila ay aagapayanan hindi lamang ng kanilang mga magulang kundi maging ng kanilang mga kapatid na natitiyak kong may malaking hangarin na madagdagan ang karunungan ng kanilang mahal sa buhay.
Hindi ko malilimutan ang minsan nating pakikipanayam sa mga estudyante na nagtapos ng ibang college degree; ang ilan sa kanila ay nagtamo ng iba’t ibang karangalan – summa cum laude, magna cum laude at cum laude. At magkakahawig ang kanilang pahiwatig: Nakatulong nang malaki ang mga kaalaman at pananaw ng kanilang mga mahal sa buhay na naibahagi nila sa pag-aaralan ng iniuuwi nilang mga homework. Nakalundo ang kanilang mga pagsisikap sa kanilang disiplina at pananagutan sa pagtatamo ng karunungan.
Hindi ko matiyak kung isinaalang-alang ng mga mambabatas ang mistulang pagpapabaya ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral ng homework na dapat sana nilang iuwi. Dahil dito, hindi malayo na maibaling nila ang kanilang atensiyon sa ibang hindi kanais-nais na gawain – barkada, illegal drugs at iba pang bisyo. At lalong hindi malayo na malimutan na nila ang pagtuklas ng edukasyon at kalaunan ay maging bahagi ng salot na dapat itakwil ng komunidad.
Ang dapat atupagin ng mga mambabatas – sa pagpatnubay marahil ng DepEd ay pagbalangkas ng kapaki-pakinabang na aralin o kurikulum na magpapalusog ng sistema ng ating edukasyon. Hindi marahil kalabisang ipamukha sa ating mga mambabatas ang paglalaan ng sapat na pondo para sa paglutas ng mga kakulangan sa school building at iba pang pasilidad para sa kaluwagan at kapakanan ng ating mga mag-aaral at guro.
Naniniwala ako na ang ‘no homework’ bill ay isang balakid sa magkatuwang na pagsisikap ng mga guro, magulang at ng mismong mga mag-aaral sa pagtuklas ng karunungan.
-Celo Lagmay