NANG isinulong sa Kamara ang isang panukalang-batas na naglalayong palitan ang Camp Aguinaldo upang maging Camp Gen. Antonio Luna, bigla kong naitanong: May mabigat kayang dahilan upang isabatas ang naturang bill?
May mahiwaga kayang batayan? O, may naiiba kayang dahilan? Ang mga pag-uusisang ito ay natitiyak kong laging umuukilkil sa ilang sektor ng sambayanan, lalo na sa ating mga historians o mananalaysay. Mga katanungan ito na marapat lamang magkaroon ng positibong katugunan bilang bahagi ng mga pagsisikap upang maituwid ang mga pag-aalinlangan sa ating mga history books.
Ang naturang bill na nagkataong inakda ni Deputy Speaker at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ay naglalayong susugan ang RA No. 4434 na pinagtibay noong 1965; nag-aatas ito na palitan ng Camp Aguinaldo ang dating Camp Frank Murphy. Ngayon naman, nais ipangalan ito kay Gen. Antonio Luna. Ano nga kaya ang matibay na batayan?
Naniniwala ako sa matinding paglalarawan ng bill: Si Gen. Luna ay taguriang ‘The Fiery General’. Mismong mga istoryador o mga manunulat ng kasaysayan ang kumikilala sa kanya bilang pinakamatalinong Filipino general noong Philippine- American war. Naging chief of staff siya ng Philippine Revolutionary Army hanggang sa siya ay pinaslang noong June 5, 1899 sa edad na 32 sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Ang naturang kahanga-hangang mga katangian ni Gen. Luna ay pinaniniwalaan kong angkin din ng ilang kapuwa nakidigma sa pagtatanggol ng ating kalayaan – at sa pananakop at pang-aapi ng mga dayuhan. Sa aklat na Eminent Filipinos, halimbawa, matutunghayan din ang kagitingan, katalinuhan at maalab na pagkamakabayan ng ating mga bayani – mga dakilang kababayan natin na tinaguriang ‘heroes and heroines’ ng rebolusyon. Sinasabing ang ilan sa kanila ay napatay sa larangan ng digmaan, pinapatay at sumakabilang-buhay sa mga karamdaman.
Ngayon, bakit nga ba nais palitan ang Camp Aguinaldo upang maging Camp. Gen. Antonio Luna? Hindi ba si Gen. Emilio Aguinaldo ay maituturing ding matalino at magiting na heneral? Na siya ay nag-aangkin din ng mga katangiang taglay ng iba nating mga bayani?
Maliban kung may mabigat, naiiba at mahiwagang mga kadahilanan, ang dating Camp Frank Murphy ay marapat lamang manatiling Camp Aguinaldo. Si Gen. Luna, sa kabilang dako, ay marapat iluklok sa isang makasaysayan ding dambana na angkop sa kanyang katalinuhan, kagitingan at tapat na pagkamakabayan.
-Celo Lagmay