BAGAMA’T kahapon pa natin ipinagdiwang ang National Heroes Day, hindi ko maaaring palampasin ang naturang makasaysayang okasyon nang hindi nagbibigay-pugay sa ating mga dakilang kababayan na namuhunan ng buhay at dugo sa pagtatanggol ng ating kasarinlan. Subalit sa kabila ng gayong pagkilala sa kanilang katapangan, hindi pa rin makatkat sa aking utak ang isang katanungan: Sino nga ba sa kanila ang tunay na mga bayani?
Kaakibat nito ang iba pang katanungan: Ang lahat ba ng mga nakahimlay sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) ay maituturing na tunay na mga bayani? Ang lahat ba ng sinasabing mga dakilang Pilipino na ipinagpatayo natin ng mga bantayog ay talagang mga bayani? Kaugnay nito, isang kapatid sa pamamahayag ang pabirong nagpahiwatig: Ang mga hindi maituturing na mga bayani na nakalibing sa LNMB ay dapat hukayin at ilipat sa ibang libingan; at ang rebulto ng mga kunwari ay bayani ay marapat gibain. Naniniwala ako na ang ganitong paglapastangan sa alaala ng ating mga bayani at dakilang kababayan na hindi ko na pangangalanan ay walang puwang sa isang makataong lipunan.
Wala akong lubos na kabatiran sa mga pamantayan sa mga katangian ng sinumang itinuturing na mga bayani; alinsunod sa National Historial Commission of the Philippines (NHCP) o sa alinmang ahensiya na inatasang gumanap ng gayong tungkulin. Sa sariling pananaw, ang maituturing na mga bayani ay hindi lamang yaong humawak ng armas at nakipagsagupaan sa mga kaaway, lalo na kung ang katapangan ng ilan sa kanila ay nabahiran ng pagtataksil sa kanilang mga kapanalig at sa ating bayan. Hindi ba may mga ulat sa ating kasaysayan na ang ilan sa kanila ay kumampi sa mga kalaban?
Maituturing na higit pa sa isang war veteran, halimbawa, ang ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakatulong nang malaki sa pagsagip sa ating gulapay na ekonomiya. Sa bilyun-bilyong dolyar na ipinadadala nila sa ating bansa, nakaigpaw sa pagkalumpo ang kabuhayang pambansa. Dahil dito, nasa wastong direksiyon ang pagpapatayo ng ospital para sa kanila at sa kanilang pamilya; at para sa sambayanang Pilipino.
Maituturing ding bayani ang ating mga environmentalist na malimit malagay sa panganib ang kanilang buhay sa pagtatanggol sa ating kapaligiran laban sa mga gahamang minero na wala nang inatupag kundi wasakin ang ating mga likas na kayamanan. Sa gayong mga pagsisikap, isang kapatid natin sa propesyon ang pinaslang; hanggang ngayon, mailap pa ang ganap na katarungan para sa kanya.
Totoo, marami pa sa ating mga kababayan mula sa iba’t ibang sektor ng pakikipagsapalaran ang maituturing na mga bayani. Marapat lamang tiyakin na ang kanilang kadakilaan ay hindi nababahiran ng mga pag-aalinlangan.
-Celo Lagmay