KAILANMAN ay hindi ako makapaniniwala na ang napipintong pagsasabatas ng bill hinggil sa pagtataas ng excise tax sa sigarilyo at alak ay makasusugpo sa mga sugapa sa naturang mga produkto. Maaaring ito ay lalo pang makapagturo sa kanila na humanap ng mga paraan upang maipagpatuloy ang kanilang pagkagumon sa nasabing mga bisyo.
Tulad ng lagi kong binababanggit, walang sinuman o anumang lehislasyon ang inaakala kong makapagpapahinto sa paninigarilyo at pagkalango sa alak ng ilang sektor ng ating mga kababayan. Magpapatuloy sila sa gayong bisyo kahit na sabihin pang ang gayon ay mistulang pagpapatiwakal. Hindi nila alintana ang nakakikilabot na babala ng graphics health warning (GHW) na nakalimbag sa mga kaha ng sigarilyo; mga larawan iyon ng nakaririmarim na sakit na cancer na kaakibat ng pagkalulong sa nasabing mga bisyo. Ang pagtigil sa mga bisyo -- hindi lang sa sigarilyo at alak kundi lalo na sa illegal drugs -- ay sariling desisyon ng mismong mga sugapa.
Sa kabilang dako, ang pagsasabatas ng excise tax bill ay natitiyak kong makatutulong nang malaki sa mismong mga sugapa sa alak at sigarilyo kapag sila ay dinapuan ng mga karamdaman, kabilang na ang katulad nating malimit dalawin ng sakit. Ang dagdag na buwis sa naturang mga prpdulto ang panggagalingan ng bilyun-bilyong pisong pondo para sa implementasyon ng universal health care (UHC) program.
Wala akong makitang balakid sa mabilis na pag-usad ng naturang panukalang batas. Sa aking pagkakaalam, ito ay bahagi ng urgent measures ng Duterte administration na kailangang maisabatas kaagad bilang bahagi rin ng patuloy na pinalalaganap na malasakit centers sa iba’t ibang sulok ng kapuluan.
Ang UHC law ay magkakaloob ng halos lahat ng ayudang pangkalusugan sa lahat ng mamamamyan -- kahit na ano ang kanilang kalagayan sa buhay. Sinasabing kabilang dito ang libre o murang gamot, libreng laboratory test at medical consultation, at iba pa. Kaakibat din nito ang libreng pagpapaospital.
Sa kabuuan, ang UHC program na popondohan ng excise tax bill ay mistulang hulog ng langit sa ating lahat, kabilang na ang ating mga kababayang nagkasakit dahil sa kanilang pagkasugapa sa alak, sigarilyo at mga bawal na droga.
-Celo Lagmay