SA nakatakdang paglaya ng mahigit na 10,000 bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP), kaagad kong nadama ang kahalagahan ng good manners and right conduct (GMRC). Nangangahulugan na ang naturang mga preso ay nagpamalas ng kanais-nais na mga pag-uugali at wastong pagkilos samantalang sila ay nasa loob ng piitan at pinagdudusahan ang kani-kanilang mga pagkakasala.
Kaagad ko ring nakita ang lohika sa aksiyon ng Department of Justice (DOJ) sa pagpapahintulot sa mga bilanggo upang makalabas sa piitan kahit na hindi pa nila ganap na napagsisilbihan ang takdang panahon ng kanilang pagkakakulong. Kung hindi ako nagkakamali, ang mga preso na nahatulan ng habambuhay na pagkakabilanggo ay papayagang makalaya kapag napatunayan na sila ay nakatugon sa tunay na diwa ng GMRC.
Ang gayong pagkakataon ay hindi pa natatalagang pinagtibay, sa aking pagkakaalam, ng Supreme Court (SC) bilang karagdagang kondisyon o requirement sa pagpapababa ng sentensiya o commutation of sentence; maaaring ito rin ang kailangan sa pagkakaloob ng absolute pardon sa mga bilanggo.
Kaakibat ng pagpapahalaga sa GMRC ang pagpapamalas ng mga preso ng makabuluhang mga aktibidad sa bilangguan, tulad ng paglahok sa bible study para sa lahat ng sekta ng pananampalataya. Walang itinatangi sa ganitong aktibidad; ang mahalaga ay maging aktibo sa pagpapamalas ng tunay na diwa ng pakikipagkapuwa-tao. Naniniwala ako na ito ang dahilan kung bakit ang mga bilanggo, maliban sa manaka-nakang insidente o isolated cases, ay namumuhay na tulad ng isang nagkakaunawaang pamilya.
Marami ring mga preso ang nasanay sa paggawa ng iba’t ibang handicraft items – wood carvings, paglala ng mga basket at pagpipinta. Ang kanilang mga produkto ay naibebenta sa ating mga kababayan upang ipangregalo. Sa paniwala at hindi, ang ilan sa mga ito ay nakararating sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Hindi ko malilimutan banggitin ang isang kakilalang preso na nabigyan ng absolute pardon noong panahon ni Pangulong Fidel Ramos; napatunayan na ang nasabing bilanggo – si Joey Bonsoy na dating konsehal ng Maynila – ay nakapagpamalas ng GMRC samantalang pinagdudusahan niya ang kaniyang sentensiya. Nagkataon na sa pagsisikap ni Chief Justice Renato Corona na noon ay presidential legal adviser ng Pangulo, si Joey ay nabigyan ng absolute pardon. Bilang naging katuwang din sa pagsisikap ni Corona, naniniwala ako sa katapatan ni Joey sa kanyang mga prison activities.
Kahit na ano ang sabihin ng sinuman, marapat lamang na kilalanin ang pagpapamalas ng mga preso ng tunay na kahulugan ng GMRC. Isa rin itong patunay na ang silakbo ng kanilang damdamin na nagtulad sa kanila sa krimen ay pinahuhupa sa loob ng piitan.
-Celo Lagmay