TALIWAS sa aming inaasahan, binulaga kami ng isang nakadidismayang kapaligiran nang kami ay makiisa kahapon sa paggunita sa kaarawan ni Pangulong Manuel Luis Quezon: Mistulang palengke ang Quezon Memorial Circle (QMC). Naglipana ang mga tindahan, kainan at mangilan-ngilang tila informal settlers na doon na yata nanunuluyan; bukod pa rito ang nakahambalang na mga construction materials na mistulang mga eyesore o nagpapapangit sa paningin.
Makatuwiran na hindi gayon ang tanawin na dapat masaksihan, lalo na kung isasaaalang-alang na ang QMC ay maituturing na isang sagradong liwasan. Bukod sa nakatindig dito ang matayog na monumento ni Quezon – ang ama ng Wikang Filipino na ang kahalagahan ay ipinagdiriwang natin ngayon – dito rin nakalagak ang kanyang mga labi (remains). Pati ang replica ng kanilang tahanan ay inilipat dito at naging kaagapay ngayon ng kanyang libingan.
Gusto kong maniwala na ang nakadidismayang tanawin sa QMC ay patunay ng kawalan ng malasakit ng nakaraan at maaaring ng mismong kasalukuyang administrasyon ng Quezon City local government sa pagpapahalaga sa makabuluhan at makasaysayang liwasan; sa tinatawag na mga crown jewels o kayamanang pangkultura na dapat pang alagaan sa lahat ng pagkakataon. Hindi magiging pangahas ang ilang negosyante na mapagtayo ng kani-kanilang mga establisyamento sa QMC kung walang pahintulot ang ating mga awtoridad; kung walang pagsasabuwatan sa mga alingasngas na nagiging dahilan upang ang QMC ay hindi pasukin ng mga local at foreign tourist.
Isang malaking kabalintunaan, halimbawa, kung ihahambing natin ang QMC sa Rizal Park sa Maynila na talaga namang kinagigiliwang pamasyalan ng ating mga kababayan, lalo na ng mga turista. Maituturing din itong isang sagradong liwasan sapagkat isa itong makasaysayang eksena – ang lugar na kinamatayan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal na binaril sa pamamagitan ng firing squad.
Sa nakapanlulumong sitwasyon ng QMC, hindi na nating hahangarin na ito ay itulad sa iba pang makasaysayang liwasan sa iba’t ibang sulok ng kapuluan – at maging sa ibang bansa. Mahirap tularan, halimbawa, ang Wright Park sa London, Washington Park sa United States, at iba pa. Sapat nang panatilihin natin ang pagiging sagradong liwasan ng QMC na kanais-nais pagdausan ng makatuturang pagtitipon, seminar at pagtatanghal na pangkalinangan, kabilang na ang pagkakaloob ng Gawad Manuel Luis Quezon, at iba pang makabuluhang okasyon.