BUWAN ng nasyonalismo o pagka-makabayan at ng wika ang Agosto. At sa mga araw na saklaw ng Agosto, maraming mahalaga at makasaysayang pangyayari sa iniibig nating Pilipinas ang ginugunita, binibigyang-pagpapahalaga, at ipinagdiriwang. Isa na rito na mababanggit ay ang ika-19 ng Agosto na paggunita at pagdiriwang ng kaarawan ng Pangulong Manuel L.Quezon – ang kinikilalang Ama ng Wikang Pambansa at ng Katarungang Panlipunan.
Ngayong ika-19 ng Agosto, sa Angono, Rizal na itinuturing na Art Capital ng Pilipinas at bayan ng dalawang National Artist na sina Carlos Botong Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro ay magkasabay na ginugunita at ipinagdiriwang ang Araw ng Angono at ang kaarawan ng Pangulong Manuel L. Quezon. Sa pagdiriwang, ang Pamahalaang Bayan ay may inihandang mga gawain na nagbibigay pagpapahalaga sa nagawa ng Pangulong Manuel L. Quezon. Ang pagdiriwang ay pangungunahan nina Angono, Rizal Mayor Jeri Mae Calderon at Vice Mayor Gery Calderon. Tampok sa pagdiriwang ang pag-aalay ng mga bulaklak sa harap at paanan ng bantayog ng Pangulong Manuel L.Quezon ng mga miyembro ng Sanggunian Bayan, ng mga tauhan ng Tanggapan ni Vice Mayor Gerry Calderon at ng mga tauhan ng iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaan Bayan ng Angono, ng mga guro at mag-aaral, mga tauhan ng pulisya ng Angono, ng iba’t ibang samahan at business establishment sa Angono. Kasunod ang isang simple at makahulugang programa na may kaugnayan sa kasaysayan ng Angono at ng tungkol sa buhay ni Pangulong Manuel L. Quezon.
Ayon sa kasaysayan ang Pangulong Manuel L.Quezon, mula pa sa kanyang kabataan ay nakaugat na sa puso ang pagmamahal sa bayan at ang nasyonalismo o pagiging makabayan. Pinatunayan ito ng Pangulong Quezon sa pamamagitan ng matapat na paglilingkod at pagiging isang kawal na nakipaglaban sa mga imperyalistang Amerikano. Siya’y naging isa sa mga tauhan ni Heneral Emilio Aguinaldo. Kabilang ang Pangulong Quezon sa pangkat ni Heneral Emilio Aguinaldo na nakipagsagupaan sa mga Amerikano. Kabilang dito ang labanan sa bayan ng Bacolor, Porac, Dolores at Angeles (isa nang lungsod ngayon) Pampanga.
Sa panahon naman na ang Pangulong Manuel L. Quezon ay miyembro ng Philippine Assembly, hindi siya tumigil at iginiit sa mga Amerikano ang hangaring lumaya ang mga Pilipino. At sa pagiging Pangulo ng Commonwealth, itinayo niya ang pundasyon ng Republika ng Pilipinas na pinasinayaan noong Hulyo 4, 1946. Bagamat hindi na niya iyon nasaksihan sapagkat namatay siya sa Sarabac Lake, New York noong Agosto 1, 1944, ang pangarap na Kalayaan ng Pilipinas ay nagkaroon ng katuparan.
Si Pangulong Manuel L.Quezon ay nag-iwan ng isang pamana sa kanyang mga kababayan na hindi na malilimutan. Ito ay ang kanyang “Code of Citizenship” na lalong kilala sa tawag na “Batas ng Kagitingan at Kabutihang Asal.” Isang halimbawa nito ay: “Mahalin mo ang iyong bayan sapagkat ito ang iyong tahanan, kanlungan ng iyong pagmamahal at bukal ng iyong kaligayahan at pagiging tao. Tungkulin mo siyang ipagtanggol, laging humanda na ibuwis ang iyong buhay alang-alang sa kanya kung kinakailangan.”
Sa pagiging Ama ng Wikang Pambansa, isa sa unang ginawa ng Pangulong Manuel L.Quezon ay ang pagpapatupad ng probisyon ng Konstitusyon na magkaroon tayo ng sariling wika. Ayon sa Pangulong Quezon, kailangang magtatag ng Surian ng Wikang Pambansa sa Pilipinas sa layuning makapagpapaunlad at makapagpapatibay ng isang wikang batay sa isa sa mga diyalekto ng mga Pilipino. Nagkaroon ito ng katuparan at ang Tagalog ang naging saligan o batayan ng wikang pambansa.
Malaki ang paniniwala ng Pangulong Quezon na kailangan ang isang wikang pambasa sapagkat batid niya na sangkap ito sa isang bansang naghahanda sa pagsasarili. Sa gayon, ang puso at diwa ng mamamayan ay mahuhubog sa isang wikang makapag-uugnay sa buong kapuluan o bansa. Naniniwala rin si Pangulong Quezon na ang wikang pambansa ay isa sa mga katibayan na dapat taglayin ng bawat malaya at nagsasariling bansa. Dahil dito, nagsisikap tayo hindi lamang patungo sa pagpapayaman ng wika upang maging kasangkapan sa pagpapalawak ng diwa at pagpapalaganap ng kultura.
Ayon kay Pangulong Quezon, tayo’y mga Pilipino na ang bayan ay Pilipinas at ito ang tanging bayan na ipinagkaloob sa atin ng Diyos; na ang bayan natin ay isang dakilang bayan at ito ay may dakilang nakaraan, isang dakilang kasalukuyan at dakilang kinabukasan.
Ang mga alaala at nagawa ng mga bayani iniibig natin Pilipinas ay laging bahagi ng ating kasaysayan at inspirasyon ng mga susunod na henerasyon o salinlahi. Si Pangulong Manuel L. Quezon ay isang pangulo at dakilang bayaning hindi malilimot ng kasaysayan.
-Clemen Bautista