HANEP!

MAY iniinda mang kapansanan, pagdating sa sports, tunay na hindi pahuhuli ang atletang Pinoy.

PINAGSALUHAN nina Josephine Medina at national coach Michelo Dalumpines ang silver medal sa Japan Open. (MEDINA FB)

PINAGSALUHAN nina Josephine Medina at national coach Michelo Dalumpines ang silver medal sa Japan Open. (MEDINA FB)

Naitala ni Josephine Medina ang isa pang kasaysayan sa mundo ng Para Games nang magwagi ng dalawang medalya sa magkasunod na international tournament na nilahukan nitong Agosto.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Nitong Agosto 10-12, nakamit ng 30-anyos na may kapansanan sa paa, ang gintong medalya sa women’s Single Class TT7 event sa International Table Tennis Federation-PTT Para Bangkok Open sa Indoor Stadium sa Bangkok, Thailand.

“Talagang walang kapantay ang kasiyahan pag nakapagbigay ka ng karangalan sa bansa. Umaasa po ako kasama ang iba pang Nationals athletes na maging inspirasyon kami sa iba higit sa tulad namin na hindi dahilan ang kapansanan para magtagumpay sa sports o sa anumang uri ng laban sa buhay,” pahayag ni Medina.

Napukaw ni Medina ang atensyon ng sambayanan nang magwagi ng bronze medal sa 2016 Rio, Brazil Paralympics.

Ang panalo niya ang tapik sa balikat sa kanilang hanay.

“Hindi talaga dapat sumuko. Laban lang tayo,” aniya.

Nauna rito, bahagi si Medina ng Philippine Team na nagwagi ng silver medal sa women’s singles Class YY8 sa Para Table Tennis Japan Open sa Tokyo, Japan.

Kinapos si Medina laban sa karibal mula sa Japan, 1-3.

“Maganda ang laro namin, talagang mas mahusay ang kalaban ko,” mapagpakumbabang pahayag ni Medina.

Sa elimination round tinalo ng Philippines ang matikas na Thailand, 3-0, at sinorpresa ang lahat nang gapiin ang world No.3 Norway sa semifinals.

Ang tagumpay ni Medina ay tapik sa balikat sa paghahanda ng koponan para sa SEA Para Games sa 2020.

“Host po tayo ng SEAG Para Games sa 2021, Hopefully po maging maayos ang campaign natin,” sabit ni Medina.

May nakalinya pang international tournament na lalahukan si Medina at iba pang Para athletes para makapaghanda sa SEA Games.

Itinataguyod ang kanilang paglahok sa abroad at local tournaments ng Philippine Sports Commission (PSC).

-EDWIN ROLLON