NANG masilayan ko sa telebisyon ang madamdaming pagkikita nina Senador Leila de Lima at ng kanyang minamahal na ina, kagyat namang sumagi sa aking utak ang pagkakaroon ng maunawaing puso ng mga husgado, lalo ng huwes na nagkaloob ng gayong pagkakataon upang madalaw ng Senador ang kanyang ina na may karamdaman sa kanilang tahanan sa Iriga, Camarines Sur. Ang gayong oportunidad ay pinaniniwalaan kong isang karapatan na hindi dapat ipagkait sa naturang Senador sa kabila ng katotohanan na siya ay isang detainee dahil sa kinakaharap niyang mga asunto. Gayunman, ang anumang pasiya hinggil dito ay nakasalalay sa kamay ng ating kinauukulang mga huwes.
Ang gayong paglambot ng puso ay ipinamalas din ni Pangulong Duterte nang kanyang ipahayag ang kanyang mistulang pagkatig sa aksiyon ng huwes. Sa pamamagitan ni Senador Bong Go, tandisang sinabi ng Pangulo na wala siyang pagtutol sa furlough na ipinagkaloob ng husgado kay Senator de Lima. Isa itong paninindigan na maituuring na isang malaking kabalintunaan lalo na kung isasaalang-alang ang minsang ipinahiwatig ng Pangulo: You will rot in jail. Kung hindi ako nagkakamali, ang nabanggit na matalim na pahayag ay nakaukol sa naturang Senador. Naniniwala ako na ang gayong patutsada ay pinahupa ng paglambot ng puso ng Pangulo na dapat lamang madama ng mga mapagmahal sa ina, lalo na kung ang mga ito ay nakaratay sa banig ng karamdaman, wika nga.
Hindi lamang kay Senador de Lima, kung sabagay, ipinamalas ng mga huwes ang pagkakaroon nila ng maunawaing puso. Maging ang naging mga Pangulo na nagdusa rin sa mga detention centers— tulad nina dating Pangulong Glora Macapagal Arroyo at Joseph Estrada— ay hindi rin pinagkaitang malakalabas sa selda upang dalawin ang kanilang mga mahal sa buhay.
Mahaba-haba rin ang oras na ipinagkaloob sa kanila upang madama naman ang tunay na diwa ng kalayaan sa labas ng mga detention centers o sa mga ospital ng sila ay naka-hospital arrest. Mahalagang banggitin na sila ay ganap ng nakalalaya. Si Ex-President Arroyo na naging House Speaker ay sinasabing absuwelto sa kanyang mga kaso samantalang si Estrada ay ipinagkalooban ng absolute pardon.
Gayunding pagmamalasakit ang nadama ng iba pang detainees – sina dating Senador Jinggoy Estrada at Senador Bong Revilla – na pinahintulutan din ng mga huwes upang pansamantalang makalabas sa detention center sa Camp Crame. Sa iba’t ibang okasyon, sila ay nakadalaw rin sa kanilang mga mahal sa buhay.
Ang nabanggit na madamdamin at makataong aksiyon ng mga huwes – at ng mismong Pangulo – ay patunay lamang na ang bakal na mga puso, wika nga, ay pinalalambot ng makabagbag-damdaming pagdalaw sa ating mga ina at sa iba pang mahal sa buhay, lalo na’t kung ang mga ito ay may mga karamdaman.
-Celo Lagmay