BAGAMAT sa larangan ng pamamahayag higit na nakilala si Floro Mercene, hindi lamang sa peryodismo nakaangkla ang tinatalakay niyang mga paksa tuwing kami ay nagkakaharap sa mga kapihan o media forum manapa, mahaba at makabuluhang panahon ang kaniyang iniukol sa pagpapaliwanag ng mga tema na may kaugnayan sa kasaysayan sapagkat siya— ang aking kapatid sa propesyon na sumakabilang buhay kamakailan sa Los Angeles, California sa edad na 93— ay isa ring historian at awtor ng mga aklat. Si Floro, tulad ng nakagawian naming tawag sa kaniya, ay kapwa kolumnista sa Manila Bulletin Publications.
Hindi natin malilimutan ang isa sa kanyang mga isinulat na aklat—’Manila Men in the New World’ na inilathala ng University of the Philippines (UP Press) noong 2007. Tinalakay sa naturang libro ang isa sa mga aspekto ng kasaysayan ng Pilipinas at America.
Makaraan ang mahabang panahon sa larangan ng pamamahayag, iniukol ni Floro ang makatuturang bahagi ng kanyang pakikipagsapalaran sa pananaliksik at pakikipanayam para sa kanyang susulatin pang mga aklat. Kabilang dito ang hinggil sa mga unang pamilyang Filipino na nandayuhan sa Western hemisphere; pati ang Filipino migration sa Mexico at sa America noong 16th century – noong panahon ng 250 taon ng Galleon trade. Hindi ko matiyak kung ang naturang aklat na bunga ng kanyang mga pananaliksik at pakikipanayam ay nailathala bago siya sinundo ng Maykapal, wika nga, subalit isang bagay ang tiyak: ang kanyang sinulat na mga aklat at iba pang lathalain ay maituturing na ‘significant contributions’ sa Philippine Studies.
Hindi rin natin malilimutan na si Floro ay reporter par excellence sa Philippine Journalism. Naglingkod siya sa Philippine News Service (PNS) ngayon ay Philippine News Agency (PNA). Naging bahagi ng kanyang misyon ang pakikipanayam sa sikat na mga dayuhan na bumibisita sa ating bansa, kabilang ang mga Hollywood stars na sina William Holden, John Wayne, Ingrid Bergman at celebrity na si Richard Nixon.
Bagamat hindi na sana dapat banggitin, hindi ko malilimutan ang isang mahalagang pagkakataon nang kami ni Floro, kasama ang iba pang mamamahayag, ay nangisda sa Carribbean sea—ang karagatang laging tinutukoy ni Ernest Hemingway sa kanyang mga aklat. Nakahuli kami ng isang malaking isda na siya ang namuno sa pagluluto sa tinutuluyan naming hotel sa Cancun, Mexico. Ang iba pang pangyayari ay bahagi na lamang ng kasaysayan.
Ang madamdaming pakikidalamhati sa iyong mga mahal sa buhay lalo na ang iyong maybahay na si Felisa na naging kaopisina ko sa National Historical Commission sumalangit nawa ang iyong kaluluwa, Floro.
-Celo Lagmay