ANG buwan ng Agosto ay “History Month” batay sa itinadhana ng presidential proclamation na nagbago sa “History Week,” kalimitang ipinagdiriwang tuwing Setyembre 15-12, patungo sa isang buwang selebrasyon. Nararapat lamang na maging buong taon itong pagdiriwang, lalo’t ano’t ano pa man, mahalaga ang kasaysayan sa buhay ng isang bansa. Gayunman, ang isang buwang selebrasyon tuwing Agosto ay nagbibigay-diin sa pangangailangan na maunawaan ang nakalipas upang mabuo ang ating hinaharap.
Ang Kasaysayan ay isang ‘hit’ o ‘miss thing’sa ating bansa. Kung nagkaroon ka ng isang magaling at nakahihikayat na guro sa kasaysayan noong nag-aaral ka pa, marahil ay nabuo sa iyo ang malalim na interes sa pag-unawa ng ating kasaysayan.
Gayunman, kung isang ‘boring’ na guro sa kasaysayan ang iyong nakaharap na ipinakilala sayo ang kasaysayan bilang isang koleksyon ng malamig, walang katuturang tala na nangyari sa nakalipas, marahil anumang diskusyon sa kasaysayan ay ituturing mong nakababagot, o ‘nosebleed.’
Ang iyong interes sa kasaysayan, partikular sa ating sariling kasaysayan bilang isang bansa ay hindi dapat nakadepende kung nagkaroon ka ng mahusay o masamang guro. Isang tungkulin natin bilang mamamayan na unawain at gamitin ang kasaysayan bilang bahagi ng pakikiisa natin sa pagbuo ng bansa.
Ang pag-unawa kung paano kumikilos ang mga tao at lipunan sa nakalipas, kung paano ipinanganak ang nasyon mula sa mga paghihirap at kabayanihan ng matatapang na mga Pilipino, at kung paano ang kasalukuyang problema ay maiuugat sa nangayari sa nakalipas, ang dahilan ng pagiging dinamiko ng kasaysayan. Isang pagkakamali na isipin na ang nangyari sa nakalipas ay walang kapakinabangan sa atin para sa hinaharap.
Mahalaga rin ang kasaysayan sa negosyo. Ang mga magagaling na lider sa negosyo ay may mahusay na pag-unawa sa kasaysayan. Sa pamamagitan ng kasaysayan nauunawaan ng mga negosyante ang isang kondisyon na maaaring makaapekto sa tagumpay ng kanyang negosyo. Kaya naman, isa sa mga katangian ng isang mahusay na negosyante ang pagiging sensitibo sa mga pagbabago na nagaganap sa kanyang lipunan. Ito ang nagbibigay sa kanya ng pagkakataon para manatiling mahalaga ang kanyang negosyo at makagawa ng mga pagbabago para makapagpatuloy ang kanyang negosyo.
Ang pag-unawa sa mga pagbabagong nagaganap ngayon ay nangangailangan ng pag-unawa sa mga kaganapan na nagdulot ng epektong pagbabago sa nakalipas. Nakatutulong sa mga negosyante ang pag-unawa sa kasaysayan upang makuha ang historikal na balangkas ng isipan na nagpapahintulot sa kanya na masaksihan ang mga transpormasyon. Ilan sa mga pagbabagong ito, ay pino at kalimitang hindi lantad. Ang kaalamang ito ay may kakayahang paunlarin ang abilidad ng isang negosyante na makita ang maaaring dumating sa hinaharap o ang nasa paligid nito.
Nang magbalik ako sa negosyo matapos ang 21 taong paglilingkod sa publiko, isa sa mga bagay na kinailangan ko ay ang maunawaan ang kasalukuyang kapaligiran kung saan tumatakbo ang aming negosyo. Ngunit para maisakatuparan ito, kinailangan ko munang maunawaan ang mga pagbabago sa mga negosyo sa Pilipinas at sa mundo. Partikular, kinakailangan kong pag-aralan ang ebolusyon ng industriya ng real estate sa gitna ng nagbabagong ekonomiya ng mundo at ang mga pagbabago sa gawain at kilos ng mga tao.
Ipinagkakaloob ng kasaysayan sa mga negosyante ang mga kagamitan upang maanalisa at mapagtaya ang mga gumagana at hindi mapakikinabangan. Ang kaalaman sa ebolusyon ng ekonomiya ng mundo, ang puwersang humuhubog dito, at ang mga pagbabago sa estratehiya ng negosyo, at bakit ito gumagana, ang esensiyal na elemento sa likod ng mahusay na negosyante.
Ngunit dapat na bahagi ng interes ang kasaysayan, hindi lamang para sa mga nagnenegosyo, ngunit sa lahat ng mamamayan. Ang pag-unawa sa puso sa pagbabago ng ating bansa ang lumilikha ng identidad, isang tanda ng pagkakaisa, na nagpapahintulot sa atin upang umunlad at tumatag ang ating pagmamahal sa bansa. Paano mo nga ba mamahalin ang isang bagay nang hindi mo nakikilala? Ang isang mahusay na mamamayan ay may pag-unawa sa kasaysayan ng kanyang bansa.
Ang pag-aaral ng kasaysayan ay isang magandang tungkulin—iniaangat nito ang ating kaluluwa, pinahuhusay ang ating isipan, at pinagyayaman ang ating kinabukasan.
-Manny Villar