SA kabila ng hindi kanais-nais na mga obserbasyon na ang ilang bumbero o firemen ay mahiga’t magbangon na lamang sa kani-kanilang mga istasyon, wala akong makitang lohika sa utos na sila ay patulungin sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa mga komunidad – lalo na sa pagpuksa ng illegal drugs.
Ang ganitong pananaw ay nakaangkla sa pahiwatig ni Pangulong Duterte na ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ay nararapat armasan upang maging katuwang ng ating mga pulis, sundalo at iba pang alagad ng batas sa pagsugpo ng kriminalidad na bumabagabag sa iba’t ibang sulok ng kapuluan.
Maaaring totoo na ang ating mga bumbero ay halos maghapon at magdamag na nananatili sa mga fire station. Subalit hindi mapasusubalian ang katotohanan na sila ay halos gising sa buong maghapon at magdamag at nakaalerto sapagkat ang sunog ay maaaring sumiklab anumang oras – isang kalamidad na nangangailangan ng mabilis na pagsaklolo ng ating mga pamatay-sunog. Ang kanilang makabuluhang misyon sa pag-apula ng apoy, samakatuwid, ay hindi dapat tambalan ng iba pang gawain na magiging balakid sa sinumpaan nilang misyon.
Sa halip na armasan ang ating mga bumbero, marapat na pag-ukulan na lamang ng administrasyon ang pagpapaigting ng utos hinggil sa ibayong pagsasanay ng ating mga bumbero tungkol sa iba’t ibang makabago at epektibong paraan ng pagpuksa ng sunog; sa pagliligtas sa ating mga kababayan sa mabilis at ligtas na paglabas sa nasusunog na mga bahay.
Totoo na may pagkakataon na ang ilan sa ating mga bumbero ay napagbibintangang nangungulimbat ng mahahalagang bagay sa mga nasusunugan; na ang ilan sa kanila ay may pinapaboran sa pag-apula ng sunog. Ang ganitong mga haka-haka ang dapat silipin ng ating mga awtoridad.
Kasabay nito, marapat tutukan ng administrasyon ang mga problema sa mga pamatay-sunog. Kabilang dito ang modernisasyon ng ating mga fire trucks na ang iba ay halos hindi na makasaklolo ng mabilis sa mga nasusunugan; sinasabing marami sa ating mga fire trucks ang masyadong mababa ang kalidad at kailangan nang igarahe at palitan ng makabagong pamatay-sunog.
Sa kabila ng lahat ng ito, ang misyon ng ating mga bumbero ay marapat na lamang ituon sa pag-apula ng sunog – kaakibat ng matapat, masigasig at makataong pagtupad ng makatuturang tungkulin.
-Celo Lagmay