TULAD ng anumang halalan, naglabas ang 2019 midterm election ng mga wagi at talunan. Bahagi ito ng laro sa politika. Isang hindi asahang resulta ng halalan nitong Mayo ang pag-usbong ng mga batang lingkod-bayan sa lahat ng antas ng pamahalaan. Sa ilang sitwasyon, ang kanilang tagumpay ay nagdulot ng pagbagsak ng mga matagal nang nagsisilbi, o mga beterano sa larangan ng politika.
Ang pangyayaring ito ay hindi lamang nagaganap sa Pilipinas. Noong 2018, inihalal ng mga botante sa Amerika mula New York si Rep. Alexandria Ocasio-Cortez, ang pinakabatang babae na nahalal sa Kongreso ng US sa edad na 29. Sa kasalukuyan, ang Chancellor ng Austria, na si Sebastian Kurz, ang pinakabatang lider ng mundo sa edad na 32 taong gulang.
Noong 2015, ibinoto ng Scotland si Mhairi Black, noon ay 20-anyos, bilang miyembro ng parliyamento ng Britanya—dahilan upang kilalanin siya bilang pinakabatang MP na nagsilbi sa kasaysayan ng House of Commons mula noong 1832. Habang ang mag-aaral ni Mahathir, na si Syed Saddiq, sa edad na 25, ang pinakabatang cabinet minister sa Malaysia at sa buong Asya.
Sa Kamara de Representantes ng Pilipinas, ang miyembro ng Nacionalista Party na si Braeden John Biron, na nagwagi upang maging kinatawan ng ikaapat na distrito ng Iloilo ang pinakabatang miyembro ng Kongreso sa edad na 25, habang ilan pa ang mas matanda lamang sa kanya ng isang taon.
Ang aking anak na si Camille Villar, na 34- anyos ay bahagi ng tinatawag na henerasyon ng ‘millennial’(mga pinanganak sa pagitan ng 1981- 1996), ay nakakuha ng halos 90 porsiyento ng kabuuang boto upang maging kinatawan ng nag-iisang distrito ng Las Piñas City.
Sa lokal na pamahalaan, isang bagong henerasyon ng mga bagong mukha ng politika ang nahalal sa ilang pangunahing lungsod at munisipalidad sa bansa. At nakasisiguro ako na mas marami pang mga batang lingkod-bayan ang umookupa ngayon sa mga lokal na konseho.
Isang magandang pagbabago ang pagpasok ng bagong henerasyon ng mga batang Pilipinong politiko. Habang hindi maitatanggi ang bagay na kahanga-hanga sa mga may karanasan at beteranong mga lingkod-bayan, ang pag-usbong ng mga bagong mukha ay isang pangangailangan upang mahaluan ng bagong dugo ang proseso ng ating politika.
Sa pangkalahatan, ang mga batang politiko ay mas bihasa sa pagpapatakbo ng ating nagbabagong mundo. Nauunawaan nila ang mga pinakabagong teknolohiya at sanay sa social media. Mas nakapaglakbay sila, at nakatuklas ng mga halimbawa mula sa ibang mga bansa, at may kakayahan na magpakilala ng mga bagong solusyon sa mga luma nang problema. Higit silang komportable sa pagkatuto sa iba at posibleng mas handa sa inobasyon at pagbabahagi ng kanilang kaalaman.
Ang pagbukadkad ng mga bagong politiko ay nawa’y humikayat sa mas maraming kabataang Pilipino upang makibahagi sa proseso ng politika. Umaasa ako na ang mga batang politiko na ito ay magbibigay-inspirasyon sa ating mga kabataan upang tumindig at makiisa, at mag-udyok sa kanila upang tumulong sa paglutas ng problema ng ating bansa.
Nais kong linawin na ang pagiging bata, ay hindi naggagarantiya na magiging mabuti at maaasahan ang isang tao. Bawat henerasyon ay naglalabas ng kanilang sariling tatak ng pagiging ordinaryo. Ngunit ang mga batang politiko na ito ay nagpapakita ng pag-asa. Umaasa tayo na magagamit nila ang kanilang inobatibo at matalinong pag-iisip para sa kapakanan ng ating mga mamamayan.
Umaasa rin ako na magkakasundo ang mga beteranong lingkod-bayan at ang mga batang politiko. Ang karanasan ng mga beterano at ang bagong ideya ng mga bata ay bubuo ng isang epektibong kombinasyon upang makabuo ng magagandang polisiya na magpapalakas sa ating bansa at magbibigay ng liwanag sa ating kinabukasan. Ang susi para sa mga kabataan ay maging bukas sa payo ng mga nakatatanda at para sa mga matatanda na maging bukas ang isipan sa mga pagbabagong iniaalok ng mga kabataan.
Patuloy nating silang tututukan. Pagyamanin natin ang kanilang ideyalismo, kasabay ng pagpapalakas ng kanilang pundasyon sa reyalidad.
-Manny Villar