PUSPUSAN na ang paghahanda ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa nalalapit na hosting ng bansa sa 30th Southeast Asian Games (SEAG) sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 10.

Sa katunayan, maghapon ang gawa sa pagsasaayos ng Rizal Memorial Sports center at Philsports Complex.

Ibinida ni Eng. Pedro Pineda, head ng Engineer and Maintenance Section ng PSC, na halos tapos na ang isang bahagi ng gusali sa Philsports, ang Medical Scientific Athlete’s Services o MSAS.

“Katatapos ng isang building. Final inspection na para makita kung talagang okay na. Pero next week puwede nang gamitin ang MSAS,” ani Pineda.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kasalukuyan naman na ginagawa ang Multi-purpose Arena na dating ginamit ng Philippine Basketball Association (PBA) bilang playing court.

Ang nasabing Arena ay ginamit din noong 2011 sa FIBA Asia Champions Cup at ng dalawang international competition na inorganisa ng FIBB noong 2015.

“Ang mga babaguhin sa Arena ay ‘yung air conditioning, mga upuan, sound system, LED score board tsaka ‘yung lighting,” pahayag pa ni Pineda.

Isinasaayos na rin ngayon ang parte ng gusali na Nutrition Hall at ang Track and field oval na inaasahang matatapos sa loob ng 120 araw upang magamit para sa SEA Games.

“120 days talaga ang target namin para matapos lahat ito. Nang sa ganu ay magamit natin para sa SEA Games. Kaya walang patid sa pagtatrabaho ang mga kasama natin para matapos na ito,” aniya.

-Annie Abad