NAKATUON ang atensyon ni Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz para sa paghahanda sa 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre 30-Diyembre 11.
Halos dalawang buwan at kalahati ang inilaan na panahon ni Diaz para sa kanyang training sa Taiwan kung saan target niya rin ang makasikwat ng puwesto para sa 2020 Tokyo Olympics.
Ngunit, bago ang pinakaabangang Olimpiyada at hosting ng bansa para sa biennial meet, sasabak muna 28-anyos na weightlifter sa Weightlifting Federation World Championships sa Pattaya, Thailand sa Setyembre 18-27.
Kumpiyansa si Diaz na kaya na niyang buhatin ang kabuuang 211kgs sa snatch at clean and jerk para sa kanyang pagsabak sa Setyembre.
“Nabubuhat ko na 94kgs sa snatch at 117kgzs sa clean and jerk, malapit na rin sa target ko na 98/120kgs ,” ayon kay Diaz na kasalukuyang nasa number 2 sa world ranking.
Matapos ang World Championships, pagtutuunan ng husto ni Diaz ang kanyang preparasyon para sa SEA Games upang masungkit ang kanyang inaasam na gold medal buhat dito.
Tanging bronze medal ang naiuuwi ni Diaz mula sa Sea Games (2007) kung kaya’t target niyang masungkit ang titlo para sa bayan.
Hindi na rin lalahok si Diaz sa PAN American Games sa Lima, Peru para sa World Championships at sa SEA Games.
-Annie Abad