KASABAY ng puspusang pagdamay ng gobyerno at ng iba’t ibang sektor ng sambayanan sa mga sinalanta kamakailan ng malakas na lindol sa Batanes, nasagap naman natin sa himpapawid ang nakadidismayang ulat: Nakisabay rin ang ilang mapagsamantalang komersyante sa pagtataas ng presyo ng kanilang mga paninda. Kabaligtaran ito ng tunay na diwa ng pagmamalasakit sa ating mga kababayan sa naturang lalawigan, lalo na sa isla ng Itbayat na masyadong niyanig ng lindol; hanggang ngayon ay hindi pa sila nakababangon sa matinding pinsala na idinulot ng kalamidad na ikinamatay ng siyam katao at ikinasugat ng marami pang iba.
Nakalulugod namang mabatid na hanggang ngayon, walang puknat ang pamahalaan sa pagsaklolo sa mga sinalanta ng bagyo. Sa pamamagitan ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at Philippine Coast Guard (PCG), magkasabay ang barko at eroplano sa paghahatid ng mga relief goods sa Batanes. Maging ang ilang pribadong sektor, lalo na ang Philippine Red Cross (PRC), ay laging sumasaklolo sa ating mga kababayan. Dapat lamang asahan na maging ang ibang bansa ay nagpahiwatig na rin ng kanilang pagmamalasakit sa naturang mga biktima ng kalamidad.
Hindi dapat ikabigla ang nakadidismayang ulat hinggil sa pagsasamantala ng ilan nating mga negosyante, lalo na kung tayo ay ginugulantang ng malakas na lindol, pagbaha at iba pang kapahamakan. Tila ay ginugulantang ng malakas na lindol, pagbaha at iba pang kapahamakan. Tila kakambal na ng kalamidad ang mapagmalabis na negosyante na hindi inaalagata ang pagdurusa ng ating mga kababayan; wala silang inaatupag kundi magkamal ng limpak-limpak na pakinabang sa pagtitinda nila ng pangunahing mga bilihin na tulad ng isda, gulay, karne at iba pa.
Ang ganitong situwasyon ay singkahulugan ng mga negosyante ng mga produkto ng langis. Ang ilan sa kanila ay walang patumangga sa pagtataas ng halaga ng krudo; kasunod ito ng katiting na price rollback. At laging idinadahilan ang pabagu-bagong presyo ng krudo sa world market.
Sa gayong sitwasyon, bigla kong naalala ang paulit-ulit na pahayag ng isang whistle-blower: Moderate your greed. Singkahulugan yata ito ng: huwag kang masyadong matakaw. Hindi sana dapat lumutang ang ganitong mga patutsada lalo na kung may kalamidad.
Hindi ba ang ilang mapagsamantalang komersyante ay dapat lamang bansagang mga buwitre ng lipunan o vultures of society?
-Celo Lagmay