HANGGANG ngayon ay patuloy pang naglalagablab, wika nga, ang utos ni Pangulong Duterte hinggil sa pagpapasara ng lahat ng lotto, Peryahan ng Bayan, Keno outlet at iba pang pasugalan na pinahihintulutan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Hindi nakaligtas sa kanyang matinding direktiba ang kontrobersiyal na Small Town Lottery (STL)— ang sugal na lagi kong ipinahihiwatig na jueteng na ginawang legal. May mga sapantaha na ang mga namamahala nito ay mga dating jueteng lords.
Kung pag-uusapan ang ganap na paglipol ng katiwalian sa PCSO— at sa iba pang tanggapan ng gobyerno na pinamumugaran ng mga salot sa pamamahala—ang utos ng Pangulo ay itinuturing kong isang higanteng hakbang, wika nga. Isipin na sa galit ng Pangulo, pinababawi kaagad ang lahat ng prangkisa, lisensiya at permiso na pinalabas ng nabanggit na tanggapan. At inutos sa mga pulis at iba pang law enforcement agencies na arestuhin ang mga lalabag sa kanyang utos; mabilis namang tumalima ang mga alagad ng batas sa pagpapasara ng mga lotto outlets.
Matindi rin ang babala ng Pangulo sa ating mga husgado. Tandisan niyang ipinahiwatig na hindi niya pahahalagahan ang anumang utos ng mga huwes na mistulang nanghihimasok sa kanyang direktiba. Naniniwala ako na ang kanyang utos ay nakaangkla sa kanyang masugid na adhikaing pangalagaan ang salapi ng bayan na walang-habas na kinukulimbat ng ilang buhong at tampalasan sa gobyerno. Limpak-limpak ang nawawala sa kaban ng bayan.
Kung pag-uusapan naman ang kapakanan ng mga mamamayan, lalo na ang ating nagdarahop na mga kababayan, ang pagpapasara ng naturang mga gaming outlets ay taliwas sa tunay na diwa ng pagkakawanggawa. Tanggapin natin na ang PCSO ay lagi nating itinuturing na pandugtong-buhay ng mga dinadapuan ng karamdaman. Nakalulungkot na ang mga may matinding sakit ay hindi nalalapatan ng lunas kung walang sinuman o ahensiya ng gobyerno na sasaklolo sa kanila.
Tanggapin din natin na hindi maliit na pondo ang nalilikom ng PCSO -- at ng iba pang tax-generating agency na tulad ng Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue at iba pa— na maaaring gamitin para sa kawanggawa. Lubhang kailangan ang malaking pondo, lalo na ngayon na sisimulan na ang implementasyon ng Universal Health Assistance Law— ang batas na nagkakaloob ng halos kumpletong medical assistance sa ating lahat.
Natitiyak ko na ang nabanggit na magkakasalungat na epekto ng utos ng Pangulo ay ganap na mapahihina sa pamamagitan na lamang ng puspusan at walang paliligtasing pagsibak sa lahat ng tiwali sa PCSO— at sa iba pang ahensiya ng gobyerno na talamak na mga pasimuno sa paglikha ng malinis, matatag at matinong gobyerno.
-Celo Lagmay