SA rami ng singing contest na napanood namin ay ngayon lang kami nakakita na ang isang contestant ay nakakuha ng 100% perfect score mula pinagsamahang score ng huradong sina Vice Ganda, James Reid, Moira de la Torre at Regine Velasquez at public text votes. Si Zephanie Dimaranan pa lang ang may record na ganito, ang unang kampeon ng Idol Philippines.

Zephanie

Iniuwi ng 16-year old singer na tubong Biñan City, Laguna ang Idol Philippines trophy, susi ng house and lot mula sa Camella Homes, tsekeng nagkakahalaga ng 2 milyong piso at kontrata mula sa Star Music, nang magwagi sa grand finale ng Idol Philippines, na ginanap sa Newport Performing Arts Theater, Resorts World Manila, Linggo ng gabi.

Si Lucas Garcia ang nakasungkit ng ikalawang puwesto na may total score of 70.2 habang ikatlo naman si Lance Busa na may score na 41.89 percent.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

‘Di napigilan ni Zephanie na maiyak nang ianunsiyo ang kanyang pagkapanalo, dahil ilang beses na rin siyang nabigo. Dahil nga sa mga kabiguang ito ay sumagi sa isip niyang huminto na lamang sa pagsali sa mga singing contest at ituon ang atensyon at oras sa pag-aaral.

Pero binigyan pa rin niya ang sarili ng isa pang chance, sumali siya sa Idol Philippines at ito na nga, grand winner ang bagets. Sumakto pa ang titulo ng kanta niyang Maghintay Ka Lamang sa istorya ng singing career niya.

Taong 2015 nang sumali si Zephanie sa The Voice Kids at napabilang sa team Sarah Geronimo, pero hindi siya nakaabot sa grand finals.

Noong isang taon naman sumali si Zephanie sa “Tawag Ng Tanghalan” ng It’s Showtime pero hindi pinalad na manalo dahil si Janine Berdin ang nanalo.

Hindi kasi pang The Voice Kids at Tawag ng Tanghalan si Zephanie kundi pang Idol Philippines. Yes, hindi na makakalimutan ang pangalan ni Zeph dahil siya ang unang Idol Philippines na nakatanggap ng 100% perfect score.

Samantala, may inihahandang major concert ang Idol Philippines Top 5 sa KIA Theater na aabangan ngayong taon.

Muli, ang aming pagbati Zephanie mula sa Balita.

-REGGEE BONOAN