IPRINISINTA sa media ang mga nanalong Miss Philippines Foundation, Inc. 2018 sa Garden Room ng Marriot Hotel, Resorts World Manila, nitong Miyerkules.
Ang mga nanalo ay sina Cheska Kai Apacible (Miss Tourism International); Samantha Coloso (Miss Face and Beauty International); Celine Negosa (Miss All Nation International); Angelic Ciolo (Miss Global City International) at Ayrra Averilla (Miss Polo International).
Si Cheska Kai ang nanalo ng Miss Charity Special Award sa nakaraang Miss Tourism Queen International 2019 Elite na ginanap sa China nitong nakaraang linggo.
Bukod dito, excited ding ipinakilala ng Miss Philippines Foundation, Inc. producer na si Mr. Victor B. Torre ang 36 na naggagandahang dilag mula sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas na magkakaroon ng pre-pageant night sa Coron, Palawan sa Agosto 24-29, 2019.
Ayon kay G. Victor, napili niyang pagdausan ng swimsuit at long gown competition ang Coron para isabay ang kumpetisyon sa town fiesta (Agosto 29) at ipakita ang kagandahan ng isla sa national at international scene. Magkakaroon din environmental services ang mga kandidata.
Sa Aqua World Garden Hotel and Restaurant sa Candelaria, Quezon naman gaganapin ang evening wear competition at ang coronation night ay sa Newport Performing Arts Theater Resorts World Manila sa Oktubre 13.
Samantala, kaagapay ng producer ng Miss Philippines Foundation Inc. ang Coron Mayor na si Mario Reyes, Jr.
-REGGEE BONOAN