DAHIL sa kapansin-pansing pagkukumagkag ng mga Senador at Kongresista sa pagsusulong ng death penalty bill, wala na akong makitang balakid upang maisabatas ang naturang panukala na naglalayong muling maipatupad ang parusang kamatayan. Ang mga argumento hinggil dito ay nakaangkla na lamang sa dalawang tila masasalimuot na isyu: Anu-ano ang dapat saklawin ng karumal-dumal na mga krimen; at kung anu-ano ang mga pamamaraan ng pagbitay.
Sa naturang panukalang-batas, itinuturing na heinous crimes ang pamamaslang, panggagahasa, pagkidnap at drug-trafficking na kinapapalooban ng bilyun-bilyong pisong ipinagbabawal na gamot. Ang illegal drugs ang common denominator, wika nga, sa bill. Maliban marahil sa mga kritiko ng administrasyon, walang hindi naniniwala na ang mga sangkot sa illegal drugs na tulad ng shabu, cocaine at iba pa ay marapat parusahan ng kamatayan.
Mismong si Pangulong Duterte naman ang nagbigay-diin na ang pandarambong o plunder ay dapat ding saklawin ng death penalty: paulit-ulit niya itong tinukoy sa kanyang State of the Nation Address (SONA) kamakailan. Maaaring ito ay ipagkibit-balikat hindi lamang ng ilang mambabatas kundi maging ng iba pang opisyal at tauhan ng pamahalaan na mangungulimbat sa salapi ng bayan.
Ang plunder case o kasong pandarambong ay kinapapalooban ng P50 milyon o higit pa na ninakaw sa kaban ng bayan. Marami-rami na rin ang mga sinampahan ng naturang kaso na hanggang ngayon ay nililitis pa. Katunayan, isang mataas na opisyal ang hinatulan at ikinulong sa kasong pandarambong.
Kung maisasabatas ang nabanggit na bill, ang mga awtor nito ay naglatag ng magkakaibang pamamaraan ng pagbitay: Sa pamamagitan ng firing squad, lethal injection at pagbigti ng lubid, tulad ng iminungkahi ng Pangulo. Magugunita na si Lim Seng, ang druglord, ay binitay sa pamamagitan ng firing squad samantalang isang nanggahasa sa sariling anak ang pinatay naman sa pamamagitan ng lethal injection.
Biglang sumagi sa aking utak ang mga nanggahasa sa isang aktres, maraming taon na ang nakalilipas. Sila, na hindi na natin pangangalanan, ay binitay naman sa pamamagitan ng silya elektrika. Ang naturang makapigil-hiningang eksena ay personal kong nasaksihan, bilang isa sa mga beat reporters na napiling mag-cover sa pagbitay na isinagawa sa National Penitentiary sa Muntinlupa City.
Nasa loob ng death chamber, bukod sa mga mamamahayag, ang Prison Director, isang doktor, nurse, madre at isang pari na patuloy na nagdarasal -- halos pabulong na dasal na sinusundan naman ng isa sa mga bibitayin na nakaupo sa silya elektrika -- nakagapos ang halos buong katawan at may nakatapat sa kanyang ulunan na isang aparato na 2,500 boltahe. Ang sumunod na mga eksena ay hindi ko na ilalahad. Sapat nang iulat na ang mga hinatulan ay sunud-sunod na binitay.
Sa nabanggit na mga pamamaraan ng pagbitay, alin kaya ang maituturing na makatao?
-Celo Lagmay