ANG mistulang paglusob kamakailan ng pitong dayuhan sa Mindanao ay isang hudyat na saklot pa rin ng panganib ang naturang rehiyon at posibleng ang iba pang sulok ng ating bansa. Bagamat hindi tinukoy ng pamunuan ng West-Mindanao Command ang pagkamamamayan o nationality ng naturang mga dayuhan, sinasabing ang mga iyon ay kaalyado ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na matagal nang naghahasik ng karahasan at terorismo sa panig na iyon ng ating kapuluan.
Nakakikilabot ang tahasang pahiwatig ng ating military authorities: Ang nabanggit na mga ISIS terrorist ay mga bomb at explosive experts. Gusto kong maniwala na ang mga ito ang magtuturo sa Abu Sayyaf Group (ASG) ng mga pamamaraan sa paggawa at pagpapasabog ng mga bomba. Hindi malayo na ang naturang mga dayuhang rebelde ay magtuturo rin ng mga estratehiya upang ang Muslim rebels ay maging suicide bombers. At lalong hindi malayo na magiging magkakatuwang sa paghahasik ng mga karahasan hindi lamang ang ISIS rebels at ASG kundi maging ang iba pang mga bandido na tulad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at iba pa.
Naniniwala ako na ang naturang nakababahalang mga eksena ang naging batayan ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr. upang irekomenda kay Pangulong Duterte ang pagpapalawig ng martial law sa Mindanao upang lumawig din ang katahimikang naghahari sa naturang rehiyon.
Halos lahat ng sektor – lalo na ng mga negosyante at mga estudyante – ay naninindigan hinggil sa pagpapatuloy at pagpapalawig pa ng batas militar; magugunita na ang martial law ay idineklara nang sumiklab ang Marawi City war na tinampukan ng paglusob at pambobomba ng Maute Group sa naturang siyudad – kahindik-hindik na giyera na ikinamatay ng marami at naging dahilan ng pagkawasak ng katakut-takot na mga ari-arian.
Taliwas naman ito sa paninindigan ni Senate Minority Leader Sen. Frank Drilon: Dapat nang alisin ang martial law sa Mindanao. Naniniwala ako sa lohika ng naturang kahilingan, lalo na nga kung totoong hindi na umiiral ang rebellion at armed conflict sa nasabing rehiyon; alinsunod ito sa ating Konstitusyon na nagtatadhana rin na ang martial law ay marapat lamang umiral sa loob ng 60 araw.
Sa kabila ng magkakasalungat na pananaw tungkol sa pagpapalawig at pag-aalis ng martial law sa Mindanao, naniniwala ako na maaaring tulad ng higit na nakararami pa nating mga kababayan na marapat lamang manatili ang martial law sa nasabing rehiyon.
Kailanman, ito ay hindi katulad ng kinatatakutan nating martial law na kumitil sa demokrasya, wala akong makitang dahilan upang ito ay hindi palawigin.
-Celo Lagmay