NANG lumutang ang kahilingan na ang tinatawag na GMRC (Good Manners and Right Conduct) ay ituro o dapat maging bahagi ng aralin sa ating mga eskuwelahan, lalo akong naniwala na ang naturang mga kaugalian ay ipinagwawalang-bahala ng ilang sektor ng ating mga kababayan, lalo na ng mga kabataan. Ibig sabihin, ang wasto at kanais-nais na pag-uugali ay nahalinhan na ng magaspang na asal.
Isang kalabisang maging bahagi pa ng school curriculum ang GMRC, bagamat naniniwala ako na ang mga guro ang magiging epektibong gabay ng mga mag-aaral sa pagpapahalaga ng mabuting pag-uugali; sila ang lagi nating itinuturing na pangalawang magulang ng ating mga anak. Higit akong naniniwala na ang mga tahanan ay sapat nang maging palihan, hindi lamang ng naturang kaugalian kundi maging ng iba pang makatuturang bagay na hindi itinuturo sa mga paaralan.
Ang paglutang ng mistulang kakulangan ng pagpapahalaga sa GMRC ay maaaring nag-ugat sa hindi kanais-nais na pakikitungo ng ilang sektor sa kanilang kapwa— kawalan ng paggalang, paggamit ng magagaspang na salita na mistulang pagyurak sa katauhan ng iba, pambabastos at iba pang kilos na nagpapamalas ng kayabangan at mistulang panduduro sa kapwa. Ito marahil ang dahilan kung bakit nilagdaan kamakailan ni Pangulong Duterte ang batas laban sa pambabastos ng sinuman sa kanyang kapwa.
Sa ating Kongreso, halimbawa, may ilang mambabatas na ‘tila nakalilimot sa tunay na diwa ng GMRC. Lumilitaw ang hindi kanais-nais na asal sa isinasagawa nilang mga pandinig sa mga kontrobersiyal na isyu na dapat maliwanagan ng sambayanan; halos singhalan at duruin, wika nga, ng ilang mambabatas ang mga testigo at resource person sa nasabing mga public hearing.
Ang ganito kayang mga eksena ay naglalayong palitawin ang katotohanan o nais lamang insultuhin ang kanilang mga inuusig? Hindi ba ang ganitong mga eksena ay hindi dapat masaksihan sa isang lugar na itinuturing na tahanan ng mga kagalang-galang?
Totoo na ang nabanggit na nakapanlulumong mga eksena ay manaka-naka lamang nating nasasaksihan sa nasabing bulwagan. Nais kong bigyang-diin na higit na nakararaming mambabatas ang nag-aangkin ng kapuri-puring GMRC.
Subalit hindi maitatanggi na ang ibang tanggapan ng gobyerno ay pinamumugaran, hindi lang ng mga tiwali, kundi maging ng mga walang-galang na mga kawani – mga lingkod ng bayan na itinuturing na mga anay sa matapat at huwarang tauhan ng ating pamahalaan.
Anupa’t ang mga hindi nagpapahalaga sa GMRC ay walang puwang sa isang marangal na komunidad.
-Celo Lagmay