NGAYONG nahatulan na ang mga kasangkot sa malagim na hazing sa isang unibersidad sa Metro Manila, pagkakataon naman ngayon ng ating mga mambabatas na patalimin ang ngipin, wika nga, ng anti-hazing law -- ang batas na ganap na nagbabawal ng naturang malupit na pagpaparusa sa tinatawag na mga ‘neophyte’. Hindi ba angkop lamang na ang mga utak at pasimuno sa nakamamatay na hazing ay dapat lapatan ng death penalty na isinusulong ngayon sa Kongreso?
May mga hazing victims ang totoong hindi pa nagtatamo ng katarungan. Hanggang ngayon, sila ay nagbibiling-baligtad pa, wika nga, sa kani-kanilang mga libingan. Mailap at patuloy pang ipinagkakait sa kanila ang hustisya sapagkat ang mga salarin ay nakikipaghabulan pa sa mga alagad ng batas.
Matagal nang umiiral ang anti-hazing law. Subalit ito ay manaka-naka pa ring ipinagwawalang-bahala sa mga fraternity sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa buong kapuluan. Nasasaksihan pa rin ang gayong hindi makataong mga eksena sa Philippine National Police Academy (PNPA) at sa Philippine Military Academy (PMA) ang mga institusyon na pinanggagalingan ng ating mga police at military officials.
Nangangahulugan lamang na marami pa rin ang naninindigan na ang hazing ay isang paraan ng pagpapatindi ng disiplina sa mga fraternity o kapatiran. Dangan nga lamang at ito ay nakulapulan ng malabis na pagpaparusa sa mga neophyte na nagiging dahilan ng kanilang kamatayan. Isipin na lamang na ang mga initiation rites ay tinatampukan ng walang-habas na pananakit ng mga ‘masters’ sa mga naghahangad maging miyembro ng fraternity.
Marami rin naman ang mga institusyon na nagpapairal ng mga fraternity na makatao ang pagkikintal ng tunay na disiplina at wastong pag-uugali sa mga kasapi nito. Hindi ko malilimutan, halimbawa, ang kinabibilangan kong Delta Sigma Lambda ng Far Eastern University.
Noon, psychological approach ang sistema ng isinasagawa sa aming initiation. Ibig sabihin, wala itong kaakibat na barbarikong paraan ng pagpaparusa. Kaakibat nito ang mistulang academic system na kinapapalooban ng pananaliksik ng mga aralin -- isang sistema ng pagpapatalas ng kaisipan at kaalaman sa maraming makatuturang bagay.
Ngayong naging bahagi na ng lumipas ang hazing, dahil nga sa ganap na pagbabawal nito, marapat lamang sikapin ng ating mga mambabatas na ang sinumang masasangkot sa gayong barbarikong pagdisiplina ay malapatan ng parusang kamatayan— sakaling mapagtibay na ang muling pagpapatupad ng death penalty.
-Celo Lagmay