KUNG ibabase sa mga komento ng apat na Idol Philippines judges na sina Vice Ganda, Moira de la Torre, James Reid at Regine Velasquez kay Zephanie Dimaranan, para sa amin ay siya na ang panalo at mag-uuwi ng titulo.
Sa episode nitong Sabado, Hulyo 20, ay binigyan nina Vice at Moira ng standing ovation si Zephanie para sa performance niya ng Huwag Ka Nang Umiyak na kinanta ni Gary Valenciano at isinulat ni Ebe Dancel.
May version din nito si KZ Tandingan na naging soundtrack ng pelikulang The Trial noong 2014.
Anyway, nakakapanindig-balahibo ang linis ng pagkakakanta ni Zephanie kaya naman panay ang tili ng audience sa studio habang isinisigaw ang pangalan ng 16-year old singer na nagmula sa lalawigan ng Laguna.
Isinulat namin dito sa Balita kamakailan na ikinumpara ni Regine si Zephanie kay Sarah Geronimo dahil ito ang nakita niya sa Popstar Princess nu’ng manalo siya sa Star for A Night na isa si Songbird sa hurado.
Nitong Sabado, kinumpara naman ni Vice si Zephanie kay Regine.
“Nakikita ko si Chona Velasquez sa ‘yo. Kasi payat. Si Chona ay si Regine ngayon,” lahad ni Vice.
Oo nga, hindi rin naman nagkakalayo ang itsura noon nina Regine at Zephanie.
Sabi naman ni Regine, ang isang Idol ay hindi lang magaling kumanta, dapat na maganda rin ang ugali nito at marunong makisama.
Inamin ni Songbird na nakikita nila ang mga nabanggit na katangian kay Zephanie, dahil base rin sa pagi-imbestiga nila ay mabait na bata, marunong makisama, nakikinig sa advices at sumusunod si Zephanie.
So, kailangan pa bang i-memorize ito madlang pipol? Sa Agosto 4 na ang grand finals at gaganapin ito sa Resorts World Manila at paglalabanan ng limang natirang finalists na sina Dan Ombao, Lance Busa, Lucas Garcia, Miguel Odron at Zephanie ang titulo ng kauna-unahang Idol Philippines.
Anyway, base rin sa aming nakalap na impormasyon, ang mahigpit na kalaban ni Zephanie ay si Dan na mula sa Bataan.
-REGGEE BONOAN