DAHIL sa matinding pahirap ng Rice Tarrification Law (RTL) sa ating mga magsasaka, sinisikap pa rin ng pamunuan ng Department of Agriculture (DA) at ng iba pang ahensiya ng pamahalaan, na pahupain ang epekto ng tinatawag na culprit o salarin sa industriya ng bigas.
Naniniwala ako na ang nakapanlulumong situwasyong ito ang dahilan ng nationwide uproar, o malawakang pag-iingay ng mga magbubukid, upang pukawin ang kamalayan ng kinauukulang mga awtoridad na ang naturang batas ang mistulang pumatay sa agrikultura ng bansa.
Itinatadhana ng RTL ang walang limitasyong pag-aangkat ng bigas na umano’y ipagbibili sa murang halaga sa ating mga kababayan. Nangangahulugan na ang inaani ng ating mga magbubukid ay hindi na bibilhin ng gobyerno at mistulang ipinagpalit sa mga bigas mula sa Thailand, Vietnam at iba pang bansa na nagluluwas ng bigas.
Hindi ba ito hayagang pagbalewala sa pagsisikap ng ating mga magbubukid upang magkaroon ng sapat na produksiyon para sa ating mga pangangailangan?
Bilang pampalubag-loob, marahil, itinatadhana ng RTL ang paglalaan ng P10 bilyon para sa mga kagamitang pang-agrikultura o agricultural implements na lubhang kailangan sa pagbubungkal ng ating mga bukirin. Totoong malaki ang maitutulong ng mga ito, subalit totoo rin na ‘tila nasa drawing board pa lamang, wika nga, ang naturang halagang pang-ayuda.
Mabuti na lang at maraming local government units (LGUs) ang nakadama ng ibayong pagpapahirap sa ating mga magsasaka.
Sa aming lalawigan sa Nueva Ecija, halimbawa, laging nakahanda ang pamahalaang panlalawigan upang sumaklolo, kahit paano, sa aming mga kababayang magbubukid. Ipinagpapatuloy ni Gob. Aurelio ‘Oyie’ Umali ang pagdamay sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapahiram ng mga makinarya sa paglilinang ng mga bukirin. Tulad ng binigyang-diin ni Atty. Al Abesamis, provincial administrator, katuwang sa naturang programa ang mismong mga tauhan ng kapitolyo na laging umaagapay sa ating mga kababayan.
Ang nabanggit na programa ay magugunitang sinimulang ipinatupad ng hinalinhang si Gob. Cherie Umali, na naging instrumento rin sa implementasyon ng agri-projects at iba pang programang pangkaunlaran, panlipunan at pangkabuhayan.
Ang ganitong pagsisikap—na natitiyak kong bahagi rin ng mga programa ng administrasyon—ay marapat lamang na lalo pang paigtingin upang ang ating lalawigan ay manatiling rice granary ng bansa
-Celo Lagmay