MULA ngayon hanggang sa Lunes, sa paglalahad ni Pangulong Duterte ng kanyang State of the Nation Address (SONA), gusto kong maniwala na wala pang linaw ang labanan sa pagiging Speaker ng Kamara. Bagamat mistulang itinalaga na ng Pangulo ang mga Kongresista na nais niyang mamuno sa naturang kapulungan, natitiyak ko na marami pa rin ang mga nag-aalinlangan kung sinu-sino sa mga aspirante ang karapat-dapat maihalal na House Speaker.
Totoo na pinalutang na ng Pangulo ang napipisil niyang mga dapat maging lider ng Kamara. Bagamat itinuturing na rekomendasyon lamang, tandisan niyang pinangalanan sina Rep. Allan Peter Cayetano at Rep. Lord Allan Velasco bilang mga House Speaker; maghahati sila sa tatlong taong panunungkulan sa pamamagitan ng term-sharing. Si Rep. Martin Romualdez naman ang magiging House Majority Leader. Ang ganitong situwasyon ang maaaring nagiging dahilan ng pagiging mabuway ng liderato sa Kamara.
Sa kabila ng naturang mga pahiwatig ng Pangulo na ‘tila kinatigan naman ng mga mambabatas, lalo na ng mga kabilang sa tinatawag na super majority na kasapi ng PDP-Laban, naroroon pa rin ang mga agam-agam sa pagwawalang-bahala sa paninindigan ng Pangulo. May mga pagtutol sa term-sharing sa matuwid na ito ay magiging balakid sa mabilis at makatuturang pag-usad ng mga panukalang-batas, lalo na ang urgent measure ng administrasyon. May mga pag-aalinlangan na ang sistema ng pamamahala ng magkasosyong Speaker, wika nga, ay hindi magkatugma—isang sistema na hindi malayong maging dahilan ng pagbasura sa makabuluhang mga panukalang-batas. Hndi rin malayo na maging sagabal ito sa planong pagsusog sa ating Konstitusyon na pangunahing agenda ng administrasyon.
Totoo na marami pang pangyayari ang magaganap bago ang SONA ng Pangulo. Biglang sumagi sa aking utak ang mistulang pag-aagawan ng kapangyarihan sa Kamara nang sumiklab ang itinuturing na kudeta, na humantong sa pagpapatalsik kay Speaker Pantaleon Alvarez. Biglang iniakyat si Rep. Gloria Macapagal Arroyo bilang House Speaker. Ang iba pang pangyayari ay naging bahagi na lamang ng kasaysayan ng pulitika sa ating bansa.
Kabaligtaran naman ito ng maaaring mangyari sa Senado, sapagkat mismong lider at mga miyembro ng Oposisyon ang tumiyak na si Senate President Vicente Sotto III ay mananatiling lider ng 18th Congress. Gayunman, ang pagiging mabuway ng alinmang situwasyon ay nagaganap nang hindi natin namamalayan.
Samantala, abangan na lang natin ang talagang mangyayari hanggang sa SONA ng Pangulo sa Lunes, Hulyo 22.
-Celo Lagmay