MAY kilabot na gumapang sa aking utak nang matunghayan ko ang ulo ng balita: 89 sa Visayas, patay sa dengue. Natitiyak ko na ito ay bahagi ng mahigit na 100,000 dinapuan ng naturang sakit sa iba’t ibang sulok ng kapuluan; at ito rin ang naging batayan ni Secretary Francisco Duque III ng Department of Health (DOH) upang isailalim sa national dengue alert ang buong bansa.
Sa bahaging ito, gusto kong itanong: Ang naturang mga biktima ay bahagi rin kaya ng daan-daan libong kababayan natin na naturukan ng Dengvaxia vaccine? Hindi ba ang naturang kontrobesiyal na anti-dengue vaccine na pinag-ukulan ng bilyun-bilyong pisong pondo ng nakaraang administrasyon ay sinasabing itinurok sa mga bata nang hindi pa ganap na nasusuri ang nasabing gamot? Hanggang ngayon, ang pinaghihinalaang mga sangkot sa sinasabing anomalya ay nililitis sa katakut-takot na mga asunto.
Palibhasa’y naging bahagi na rin ng daan-daang biktima ng dengue, hindi maiaalis na tayo ay laging inaalihan ng matinding pangamba. Isa sa aming supling ang hindi nakaligtas sa kagat ng Aedes aegypti – uri ng lamok na naghahatid ng naturang mapanganib na sakit. Dalawa o tatlo sa aming mga kamag-anak ang hindi pinaligtas ng nasabing karamdaman. At may mangilan-ngilan pa ang paminsan-minsang dinadapuan ng dengue. Mabuti na lamang at ang biglang pagbaba ng kanilang platelet ay mabilis namang naaagapan ng ating mga doktor. Mga pangyayari ito na nais nating iparamdam sa ating mga kababayan upang sila ay makapag-ingat sa dengue.
Sa pagkakataong ito, nais kong makiisa sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa panawagan upang ibayong makapag-ingat ang ating mga kababayan laban sa dengue. Pangunahin dito ang pagpuksa sa Aedes aegypti sa pamamagitan ng pagbobomba ng insecticide sa mga lungga na pinamumugaran ng naturang mga lamok; pagpapatuyo ng mga container na paboritong pinamamahayan ng iba’t ibang insekto. Higit sa lahat, kagyat na pagpapasuri sa mga doktor sa sandaling makaramdam ng sintomas ng dengue: afternoon fever.
Tulad ng ibang karamdaman, ang dengue ay maaaring dumapo sa sinuman; wala itong pinipili kaya’t marapat ang palagiang pag-iingat.
Sa kabila ng lahat ng ito, kapani-paniwala kaya ang mga iginupo ng dengue – at ng iba pang pinahihirapan ng nasabing sakit – ay sanhi sa kamandag ng Dengvaxia?
-Celo Lagmay