BAGAMA’T pinauusad pa lamang sa Kamara ang isang panukalang-batas na nagkakaloob ng P80,000 sa sinumang sumapit na sa kanilang ika-80 taong gulang, naniniwala ako na ang gayong pagsisikap ay maituturing nang isang hulog ng langit, wika nga. Ang naturang cash gift ay makatutulong nang malaki sa ating mga kababayan, lalo na nga sa katulad naming nasa dapit-hapon o twilight na ng buhay; malaking ayuda ito para sa mga medisina at iba pang pangunahing pangangailangan na makapagpapahaba ng buhay.
Ang naturang bill na isinusulong ni Ako Bisaya Party-list Rep. Sonny Ligon ay kahawig ng Centenarian Act of 2016 na nagkakaloob naman ng P100,000 sa mga sumapit na sa ika-100 taon o higit pa; ang gayong mga financial benefit ay tiyak na makatutulong hindi lamang sa kanila kundi maging sa kanilang mga mahal sa buhay na may obligasyong pangalagaan ang kanilang nakatatandang mga magulang.
Sa kabila ng masidhing pagsusulong ng naturang panukala, naroroon ang panganib na ito ay hindi makalusot sa plenaryo, lalo na nga kung isasaalang-alang na hindi naman ito maituturing na urgent measure ng Duterte administration. Totoo na matapat ang hangarin ng mga mambabatas na mabigyan ng ibayong biyaya ang ating mga kababayan. Subalit tanggapin natin na marami pang panukala ang dapat pag-ukulan ng pangunahing pansin o prayoridad ang administration. Hindi maaaring ipagwalang-bahala, halimbawa ang pagdaragdag ng sahod ng ating mga guro na totoo namang napag-iwanan na. Dahilan ito, marahil ng kanilang pangingimbulo sa ating mga sundalo at pulis na dinoble ang mga suweldo.
Sa bahaging ito, hindi naman kalabisang gisingin ang administration kaugnay ng pinatatawing-tawing pang dagdag na isang libong piso sa SSS pensioners; nakabitin pa rin ang nasabing biyaya na sinasabing hinahanapan pa ng pondo – tulad ng hinahagilap pang gugulin para sa salary hike ng ating mga titser. Hindi rin maaaring magbingi-bingihan ang administrasyon sa hinaing ng iba pang sektor, kabilang na ang pribadong manggagawa na malaon na ring naghahangad masayaran ng dagdag na suweldo – kaakibat ng mahigpit na implementasyon ng mga batas at mga panuntunan na magkakaloob ng seguridad sa mga labor force.
Sa anu’t anuman, marapat na panatilihin nating buhay ang ating pag-asa na ang nasabing bill ay maisabatas na kahit paano ay maaaring makapagpahaba ng buhay ng nakatatandang mamamayan, lalo sa katulad naming nakalundag na, wika nga, sa mahigit na 80 anyos.
-Celo Lagmay