NANG muling isinulong sa Senado ang panukala upang gawing legal ang diborsyo, muli ring tumindig ang nagbabanggaang mga grupo: Ang mga umaangil sa pagtutol at ang mga pumapalakpak sa pagkatig. Ang mga sumasalungat sa diborsyo ay masyadong nagpapahalaga sa sagradong matrimonyo samantalang ang mga sumasang-ayon sa naturang panukala ay masyadong bantad na sa magulong pamumuhay na parang aso at pusa, wika nga.
Gusto kong maniwala na ang nabanggit na mga eksena ang batayan ni Senador Risa Hontiveros sa pagsusulong ng divorce law. Marapat lamang mailigtas sa ganap na pagkawasak ang samahan ng mag-asawa na lalong pinagugulo ng kawalan ng pagmamahalan at pagkakaunawaan – isang situwasyon na nakapagpapabigat sa pagdurusa ng kanilang mga supling at iba pang miyembro ng kanilang pamilya. Hindi malayo na ang ganitong mga eksena ay tumindi, maging marahas at mapanganib kung palalawigin pa ang kanilang pagsasama.
Magugunita na ang panukala tungkol sa diborsyo ay matagal nang pinausad sa Kongreso. Subalit ito ay hindi nakalusot dahil sa magkakasalungat na argumento na nakaangkla sa matibay na culture of marriage na hindi magiba ng nakalipas na mga henerasyon. Hanggang ngayon, marami ang naniniwala na ang sagradong matrimonya ay marapat na manatiling sagrado at hindi kailanman maaaring paglaruan at lapastanganin. Nakasandig ang kanilang paniniwala sa kawikaan: Ang alinmang bagay na pinag-isa ng Diyos ay hindi dapat paghiwalayin ng tao. Naging matibay na panuntunang ito hindi lamang ng mga Katoliko kundi maging ng iba pang sekta ng pananampalataya na kahit anong bigat ng hindi pagkakaunawaan ng mag-asawa, hindi dapat magkaroon ng puwang dito ang kamandag ng diborsyo.
Ang gayong mga argumento ay maaaring pinatitibay ng katotohanan na ang Pilipinas ay itinuturing na isa sa pinakamalaking Catholic country sa daigdig. Ang ganitong argumento ay pinahihina naman ng katotohanan na ito lamang ang tanging bansa na hindi nagpapatupad ng divorce law. Isang malaking kabalintunaan na ang Italy – ang sentro ng Katolisismo sa mundo – ay matagal nang nagpapatupad ng naturang batas. Isipin na ang nasabing bansa na kinaroroonan ng kaharian ng ating Pope ay iniiralan ng batas na mahigpit namang tinututulan ng mga Katoliko.
Sa kabila ng lahat ng ito, kabilang ako sa mga naninindigan na makatuwirang pairalin ang diborsyo sa Pilipinas upang ang mga mag-asawang kababayan natin – kabilang na ang kanilang mga supling ay makaligtas sa aso at pusang pamumuhay, wika nga. Nais kong bigyang-diin gayunman na mapalad ang mga pamilya na hindi ginigiyagis ng kawalan ng pagmamahalan at pagkakaunawaan.
-Celo Lagmay