HINDI ko na ikinagulat ang malagim na pagpaslang sa isa na namang kapatid natin sa pamamahayag -- si Eduardo ‘Ed’ Dizon na isang broadcaster sa Kidapawan City sa North Cotabato. Ang aking ikinagulat, ipinagtaka at ikinalungkot ay ang katotohanan na hanggang ngayon, wala akong natatandaang anumang kaso ng pagpatay sa mga miyembro ng media na ganap na nalutas ng kinauukulang mga awtoridad.
Si Dizon ang ika-13 mediamen na napatay sa ilalim ng Duterte administration at ika-86 sa 186 na pinaslang simula noong 1986. Maaaring kabilang na rito ang tatlo o apat na correspondents ng pahayagang ito noong panahon ng ating pamamatnugot. Sa aking pagkakaalam, ang nasabing mga media killings ay humantong lamang sa walang katapusang imbestigasyon, kaakibat ng pagsasampa ng iba’t ibang asunto. Hanggang ngayon, naniniwala ako na patuloy pang naghihinagpis at nagdadalamhati ang mga naulila; at maaaring patuloy pang nagbibiling-baliktad sa kani-kanilang mga libingan, wika nga, ang mga biktima ng walang pakundangang pamamaslang.
Totoo na walang humpay ang administrasyon sa pagsisikap na malutas kundi man ganap na masugpo ang walang-habas na paglapastangan sa ating mga kapatid sa propesyon. Sa pamamagitan ng isang ahensiya sa tanggapan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), kaagad kinukondena ang gayong malalagim na media killings; mabilis na nakikipag-ugnayan sa mga police at military authorities upang tugisin ang mga salarin. Nagkataon na ang nasa tanggapan ay pinamumunuan ng ating kaibigang si Undersecretary Joel Sy Egco, dati ring Presidente ng National Press Club of the Philippines.
Sa kabila ng naturang nakakikilabot na mga pagpaslang sa ating mga kapatid sa media, naniniwala ako na hindi ito dahilan upang tayo ay manamlay sa pagtupad ng ating mga tungkulin. Bagkus, lalo tayong maging masigasig sa pangangalap ng katotohanan na dapat mabatid ng ating mga kababayan. Sa pagmamahal at pagpapahalaga natin sa ating propesyon, hindi dapat kumupas ang ating sigasig sa paglalantad ng mga ulat at komentaryo na batay nga sa katotohanan.
Sa pagtupad ng ating mga misyon, totoong hindi maiiwasang tayo ay makasagasa, wika nga. Sa halip na tayo ay sampahan ng libel case, may pagkakataon na ang ating nakakabangga ay gumagamit ng malagim na estratehiya. May mga haka-haka na sila ay umaasa sa mga hired killers upang patahimikin ang mga naglalantad ng katotohanan.
Gayunman, manatili tayong nagtatanggol sa ating karapatan sa pamamahayag. At tanggapin natin na ang kamatayan ay kakambal ng ating propesyon.
-Celo Lagmay