TALIWAS sa paninindigan ng ilang mambabatas na nagsusulong sa muling pagpapaliban ng eleksiyon ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK), hindi ko makita ang lohika sa naturang panukalang-batas. Ang nasabing halalan, na nauna nang itinakda sa Mayo 2020, ay nais nilang idaos na lamang sa Mayo 2021.
Ang pagpapaliban sa Barangay at SK polls ay mistulang pagkitil sa ating karapatan na palitan ang mga lingkod ng bayan na balakid sa matapat at malinis na pamamahala; at panatilihin naman ang tunay na pinuno na huwaran sa pagseserbisyo sa ating mga komunidad at maipagkakapuri sa lahat ng pagkakataon.
Nakapanlulumong gunitain na sa pagsisimula ng panunungkulan ni Pangulong Duterte, ang 92 porsyento ng mga barangay sa buong kapuluan ay talamak ang illegal drugs. Ibig sabihin, kabi-kabila ang mga users, pushers at drug lords.
Sinasabi na halos kabi-kabila rin ang mga barangay officials na kung hindi man tuwirang kasangkot sa kasumpa-sumpang bisyo ay maaaring kakuntsaba ng mga durog sa bawal na droga.
Hindi ba may mga ulat na ang ilang barangay hall ay ginagawang drug den at pinamumugaran ito ng mga adik? Ang nasabing mga pasaway na public servants ang marapat mapalitan sa lalong madaling panahon.
Walang dapat ikatigatig ang matitinong barangay at SK officials. Kahit kailan at saan idaos ang halalan, maniniwala ako na sila ay mananatili sa pagtupad sa makatao at makabayang tungkulin para sa ating mga kapakanan. Dangal sila ng sambayanan, lalo na sa pagsusulong ng mga kaunlarang panlipunan at pangkabuhayan.
Maaaring may katuwiran ang mga mambabatas sa kanilang masugid na pagpapaliban sa nabanggit na halalan. Kailangang tumagal-tagal pa ang panunungkulan ng mga barangay at SK officials upang tapusin ang makabuluhang mga proyekto na nasimulan nila. Kabilang dito ang kanilang pakikipagtulungan sa administrasyon sa paglipol ng iba’t ibang bisyo na tulad ng illegal drugs, pagpapanatili ng katahimikan sa kani-kanilang mga nasasakupan at iba pa.
Isinusulong din nila ang urban gardening na maaaring mapagkunan ng ikabubuhay ng ating mga kababayan.
Hindi ako naniniwala na ang pagpapaliban sa naturang halalan ay makagigipit sa misyon ng Commission on Elections at makatitipid sa gastos ang gobyerno. Kahit na kailan at saan idaos ang eleksiyon, marapat gampanan ng Comelec ang kanilang tungkulin at dapat ding paglaanan ng pamahalaan ang gastos sa eleksiyon.
Manapa, naniniwala ako na ang pagpapaliban sa halalan ay singkahulugan ng pagpapalawig ng mga katiwalian na tinatamasa ng kinauukulang mga opisyal.
-Celo Lagmay