HINDI ko ipinagkibit-balikat ang mga pananaw na ang ilang politiko – at maaaring ng iba pang malalaking negosyante – na nagbibigay ng financial support sa iba’t ibang grupo ng mga rebelde, lalo na sa mga Abu Sayyaf Group (ASG). Hindi nakapagpapanibago ang gayong pag-ayuda at mistulang pagkandili sa nabanggit na mga rebel group. Bagkus, gusto kong maniwala na ang ganitong sitwasyon ay matagal nang umiiral.
Isa itong dahilan kung bakit paulit-ulit na inaatasan ni Pangulong Duterte ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsamang-puwersa upang lipulin ang ASG na walang patumangga sa paghahasik ng lagim sa bansa, lalo na sa Mindanao. Ito rin ang dahilan kung bakit patuloy ang monitoring activities ng militar– ng AFP-East Mindanao Command–upang matiyak ang mga politiko na nakaagapay sa naturang rebel groups. Gusto kong maniwala na may mga dayuhan, kabilang na ang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na laging sumusuporta sa paghahasik ng karahasan ng ASG; sa walang patumanggang pagkidnap at pagpatay hindi lamang ng mga sundalo kundi maging ng mga sibilyan.
Umabot na sa sukdulan ang galit ng Pangulo: “Puksain ang ASG.” Kahawig ito ng kanyang naunang utos hinggil naman sa pagsugpo ng illegal drugs; hindi dapat itigil ang ‘tokhang’ o kampanya laban sa droga hanggang hindi nauubos ang pinakahuling sugapa sa bawal na gamot. Dahil dito, libu-libong kawal ang itinalaga sa Sulu – ang lugar na pinagkukutaan ng ASG. Kabilang sa naturang mga tropa ang libu-libo ring pulis na miyembro ng PNP-Special Action Force na tutulong sa pagpuksa ng naturang mga rebelde.
Hindi lamang ang malagim na gawain ng ASG ang marapat subaybayan ng ating mga awtoridad. Ang pananampalasan ng New People’s Army (NPA) – ang Armed group ng Communist Party of the Philippines (CPP) ay hindi dapat palampasin ng mga alagad ng batas. Gusto kong maniwala na ang nasabing mga rebelde ay tinutustusan din ng ilang politiko at negosyante upang sila ay hindi galawin, wika nga, ng mga manliligalig; ang mga pulitiko at mga kapitalista ay malayang makapagkakampanya at makapagnenegosyo sa proteksiyon ng mga rebelde.
Maaaring ganito rin ang sitwasyon sa grupo, halimbawa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at iba pang rebeldeng Muslim. Kapani-paniwala na sila man ay sinusuportahan ng ilang pulitiko at negosyante. Dahil dito, kapani-paniwala kaya na sila ay sabay-sabay na durugin?
Sa pagpapatupad ng gayong marahas at walang-habas na pagpuksa, naniniwala ako na marapat lamang igalang ang tinatawag na rule of law, kaakibat ng pagpapahalaga sa karapatang pantao at pagtalima sa probisyon ng international humanitarian law.
-Celo Lagmay