NAPATAAS ang moral ni PH chess wizard Gllasea Ann Hilario sa kanyang pagrereyna sa 2019 National Youth & Schools Chess Championship Grand Finals-Girls Under-7 sa paglahok sa 4th Eastern Asia Youth Chess Championship na gaganapin sa Bangkok, Thailand sa Agosto 1 hanggang 10.
Nitong Hunyo 25, ang six-years-old Hilario na grade 2 pupil ng Legarda Elementary School ay nakapagtala ng perfect eight points para magkampeon sa 2019 National Youth & Schools Chess Championship Grand Finals-Girls Under-7 division na ginanap sa Batangas State University-Malvar Campus sa Malvar, Batangas.
Sa kanyang tagumpay, naibulsa niya ang top prize P5,000, tropeo, gold medal at certificate sa kanyang effort sa National Chess Federation of the Philippines event na ginanap sa pakikipagtulungan ng Batangas State University-Malvar Campus na suportado ng Philippine Sports Commission.
Kabilang sa kanyang mga biniktima ay sina Gazelle Kym Magoliman sa first round, Vea Galgao sa second round, Maj Manguilimotan sa third round, Glaiza Celine Romero sa fourth round, Charlee Andrea Manjares sa fifth round, Kena Areld Galleguez sa sixth round, Princess Rane Magallanes sa seventh round at Mary Janelle Tan sa eight at final round.
Bago makapasok sa Grand Finals ay nagkampeon muna si Hilario sa 2019 National Youth & Schools Chess Championship Luzon Leg Girls Under-7 qualifying event nitong Mayo 6 hanggang 8 na ginanap sa Philippine Academy for Chess Excellence (PACE) headquarters No. 56 Mindanao Avenue sa Project 6, Quezon City.