NANG mauntol ang paghahayag ni Pangulong Duterte ng kanyang mamanukin sa Speakership race, bigla akong ginulantang ng hindi kanais-nais na impresyon: Pagkakawatak-watak hindi lamang ng pinamumunuan nilang lapian kundi ng mismong kasapian ng Kamara na binubuo ng iba-iba at magkakasalungat na partido. Idagdag pa rito ang posibleng pagkalansag ng super majority. Sana ay hindi mangyari ang pagkalumpo ng pagkakaisa ng mga Kongresista na lubhang kailangan ng administrasyon – bukod pa sa mga Senador – sa pagtataguyod ng mga panukala para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.
Sa pagbusisi sa nabanggit na isyu, hindi ko na tutukuyin ang mga pangalan ng mistulang nagbabangayan at nag-aagawan sa pagiging House Speaker. Araw-araw, natutunghayan na natin sila sa mga peryodiko at naririnig sa mga radyo at telebisyon, lalo na sa social media. Sapat nang mabatid natin na hanggang ngayon, walang humpay ang kanilang panliligaw, wika nga, sa kanilang mga kapuwa mambabatas at sa iba pang kaalyado upang masungkit nila ang minimithi nilang House Speakership.
Totoo na nakatakda sanang ihayag kahapon (Hunyo 28) ng Pangulo ang nais niyang maging House Speaker. Subalit biglang nagbago ang kanyang isip at tahasang ipinahiwatig na ayaw na niyang makisawsaw sa naturang masalimuot na isyu. Sa halip, ipinaubaya na lamang niya kay dating Pangulo at House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang pagtimbang sa mabigat na laban ng mistulang mga nagsusuwagan sa pagiging lider ng Kamara. At nagbiro pa ang Pangulo: Ipaaaresto at ipakukulong niya uli ang dating Presidente kapag hindi siya tumalima sa kanyang utos.
Sa maliwanag na pag-aatubili ng Pangulo sa pagtukoy ng kanyang napupusuang Speaker, maliwanag na wala siyang itulak-kabigin, wika nga, sa mga aspirante. Natitiyak ko na gayon din si Arroyo. Nangangahulugan na wala silang dapat kampihan at kapuwa sila naniniwala, marahil, sa kakayahan, katalinuhan at kaangkupan sa pagtupad sa tungkulin ng nabanggit na mga Kongresista na pare-parehong mga abugado. Gusto kong maniwala na ang paglahok ng Pangulo at ng dating Pangulo sa pagpili ng susunod na House Speaker ay maghuhudyat ng pagkakawatak-watak hindi lamang ng ruling PDP-Laban kundi maging ng iba pang partidong pampulitika sa Kamara.
Sa harap ng ganitong mga pangamba sa pagpili ng Speaker, epektibo at makatarungang paraan ang pagpapaubaya sa mismong mga Kongresista ang pagbuo ng makabuluhang desisyon. Hayaan nating maghari ang higit na nakararami o rule of the majority.
-Celo Lagmay