HABANG nagpupuyos sa galit ang malaking bahagi ng Maynilad at Manila Water consumers dahil sa rotational water interruption, nagkukumagkag naman ang ilang mambabatas sa pagtatatag ng Department of Water (DOW).
Naniniwala ako na ang naturang panukala ay hindi lamang isang malaking kalabisan kundi isang walang kapararakang paglalaan ng badyet. Kalabisan sapagkat
duplikasyon ito ng mga tungkulin at gawaing nakaatang na sa iba’t ibang umiiral nang mga ahensiya sa tubig; pag-aaksaya ng pondo sapagkat ito ay magiging isang Gabinete na kumpleto sa mga opisyal, tauhan at sariling tanggapan na itatatag sa mga rehiyon sa kapuluan.
Dapat atupagin ngayon ng kinauukulang mga pinuno ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga imbakan ng tubig-baha na ibinubuhos ngmalakas na ulan upang ito ay maipon at mapigilang umagos sa ManilaBay. Hindi masyadong malaking halaga ang gugugulin dito, lalo na kung ihahambing sa bilyun-bilyong pisong kailangan sa pagpapatayo ng dambuhalang mga dam.
Nakalulungkot na ang Angat Dam na pinanggagalingan ng kailangan nating tubig ay patuloy na bumababaw sa kabila ng paminsan-minsang pagbuhos ng malakas na ulan. Dahil dito, pati ang ating mga magsasaka ay nanganganib na maabala sa kanilang paglilinang sapagkat ang naturang dam ay hindi makapagpaagos ng tubig sa mga irrigation canals.
Bukod sa walang patlang na panawagan na mga water concessionaires hinggil sa pagtitipid sa tubig, dapat ding paigtingin ng mga ahensiya na may kinalaman sa tubig ang pagbalangkas ng mga patakaran tungo sa pagkakaroon ng mapagkukunan ng water supply.
Hindi ko matiyak kung makasasaklolo rito ang Local Water Utility Authority (LWUA) na ang operasyon ay halos kalapit lamang ng Manila Water at Maynilad.
Hindi ko nais panghimasukan ang mga tungkulin ng naturang ahensiya, subalit wala marahil mawawala kung magkakaroon ng pagdadamayan ang ating Metropolitan Water and Sewerage System (MWSS) at National Water Resources Board (NWRB). Hindi ko rin matiyak kung nasa lugar ang pagtatayo ng maraming deep well na mapagkukunan din ng kailangan nating tubig. Idagdag pa rito ang pagpapatupad ng water treatment system upang ang mga tubig-ulan ay maging drinking water.
Sa kabila ng gayong sama-samang pagsisikap upang maibsan ang palubhang krisis sa tubig, naniniwala ako na malalampasan natin ang naturang problema na gumigiyagis sa atin.
Mawalang-galang na sa kapwa natin water consumers, isipin na lamang natin na ang naturang krisis ay likha ng kalikasan o yaong tinatawag na ‘force majeure’.
-Celo Lagmay