PAGKATAPOS ng nakamamanghang pagkapanalo sa 2019 midterm polls, kung saan namayagpag ang mga pambato at kaalyado ng administrasyon, maigting ngayon ang mandato ni Pangulong Rodrigo Duterte para tiyaking magiging mabunga ang natitirang tatlong taon sa kanyang termino. Ano ang dapat na agenda ng administrasyon sa susunod na tatlong taon?
Kung pagbabatayan ang tradisyunal na pananaw, nagiging “lame duck” na ang Presidente sa huling kalahating bahagi ng kanyang termino. Tinatawag na lame duck ang isang halal na opisyal na nasa puwesto pa pero may napipisil na ang publiko na ipapalit sa kanya. Pero maaari rin itong mangahulugan bilang isang opisyal na magreretiro na, o nasa huling bahagi na ng kanyang termino.
Nasisiguro kong hindi magiging lame duck president si Pangulong Duterte. Sa katunayan pa nga, kung pagbabatayan ang unang bahagi ng kanyang pamumuno, maaasahan ang isang nakamamanghang pagtatapos ng kanyang termino. Ang tagumpay ng midterm elections ay malinaw na deklarasyon ng publiko sa direksiyong tinatahak natin bilang isang bansa.
Sa aking palagay, ang huling tatlong taon ng administrasyong Duterte ay dapat na nakatuon sa pagsasama-sama ng mga napagtagumpayan sa unang tatlong taon, upang maging malinaw kung ano ang iiwang pamana ng Presidente sa kanyang mamamayan. Hindi ito dapat na ma-distract sa sangkatutak na debate na nagsusulong lang ng pagkakawatak-watak, at sa halip ay dapat na magkaroon ng laser-like focus sa kung ano ang kailangan at dapat pang gawin.
Kung mayroong isang bagay na dapat na maalala sa administrasyong ito, iyon ay ang pagpapabuti ng ating mga imprastruktura. Matagal nang nagdurusa ang Pilipinas sa kulang at lumang-lumang infrastructure system.
Ayon sa 2019 World Competitiveness Ranking (isang pag-aaral na ginawa ng International Institute for Management Development), nasa ika-61 ang Pilipinas sa 63 bansa sa larangan ng pangunahing imprastruktura. Ang kawalang ito ng basic infrastructure sa bansa ay matagal nang nakapipigil sa pag-alagwa ng ating ekonomiya.
At hindi kailangan ang rocket science upang maunawaan ang dahilan sa likod nito. Alam nating ang kumpletong imprastruktura ay kaakibat ng kaunlaran. Batid natin na ang pagtatayo ng mga kalsada, tulay, paliparan, at pagpapabuti ng telecommunications infrastructure ay magbubunsod ng mas masiglang productivity at mas maginhawang buhay para sa lahat. Tanungin n’yo na lang ang mga kababayan nating hindi makapagbiyahe ng kanilang mga ani at produkto dahil walang maayos na kalsadang madadaanan, o kaya ang ating mga manggagawa sa Metro Manila, na nagtitiis sa pagkakababad sa ilang oras na traffic, dahil sa hindi maayos na transportation infrastructure. Alam natin ang lahat ng ito, pero walang nagawa ang mga nakalipas na administrasyon upang masolusyunan ang problema.
Noong nangangampanya siya sa panguluhan taong 2016, inilatag ni Duterte at ng kanyang economic team ang 8-point economic agenda, na kinabibilangan ng:
Karagdagang pondo para sa imprastruktura sa pamamagitan ng pagresolba sa mga pangunahing nakakahadlang, at pagsikapan ang target sa paglalaan ng 5 percent ng gross domestic product (GDP) ng bansa sa paggastos para sa pagpapabuti ng imprastruktura.
Nang maluklok sa puwesto, kaagad na ikinasa ni Pangulong Duterte ang modernisasyon ng ating mga imprastruktura sa paglalatag ng 75 flagship projects na may kabuuang halaga ng pamumuhunan na $36 billion. Ayon sa kaibigan kong si Finance Chief Sonny Dominguez, ang mga inisyatibong ito ay “consist of six airports, nine railways, three bus rapid transits, 32 roads and bridges, and four seaports that will help bring down the costs of production, improve rural incomes, encourage countryside investments, make the movement of goods and people more efficient, and create more jobs”.
Mas ambisyoso naman ang inaasinta: Gumastos ng aabot sa $158 billion sa programang “Build, Build, Build” ng pamahalaan, upang pumalo sa 7.3 porsiyento ang infrastructure spending sa pagtatapos ng termino ng Pangulo.
Ito ang kailangang gawin sa huling tatlong taon ng Presidente—panatilihin ang focus sa mga target sa gitna ng lahat ng ingay-politika at intrigahan, at tapusin ang sinimulan, upang mabigyang-daan ang “golden age of Philippine infrastructure.” Mahalaga lang na hindi magpaapekto sa mga distraction na dulot ng sari-saring isyu na nagreresulta lang sa walang katapusang debate, pero wala namang naitutulong sa ating mamamayan. Ang mantra para sa susunod na tatlong taon ay ang buong tatag na kumpletuhin ang sinimulan.
Sakaling magtagumpay ang kanyang administrasyon sa hangaring ito, maaalala si Pangulong Duterte sa pagbibigay-katuparan sa “the golden age of the Philippines”.
-Manny Villar