KUNG hindi magkakaroon ng pagbabago, sinimulan kagabi (habang sinusulat ito) ang 24/7 opening ng Lacson Underpass bilang pagtalima sa tila mapangahas na utos ni Mayor-elect Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso. Ito ang itinuturing kong isa sa pinakamatapang na aksiyon ng bagong Alkalde ng Maynila, bukod pa sa mistulang paglipol ng mga towing trucks, mga utos na taliwas sa plataporma ng tinalo niyang si dating President/Mayor Joseph Estrada. Hindi ba ito isang malaking insulto at pagtalikod sa mga patakaran na buong tapang ding isinulong ng kanyang hahalinhang ama ng ating lungsod?
Sa kabila ng gayong balintunang impresyon, kabilang ako sa mga nagbubunyi sa utos ni Mayor Isko Moreno hinggil nga sa araw-gabing pananatiling nakabukas ng naturang underpass na natitiyak kong magbibigay ng malaking kaginhawahan sa sambayanan. Natitiyak ko na hindi lamang mga Manileño ang magdiriwang sa naturang utos kundi maging ang ating mga kababayan sa lahat ng dako ng kapuluan – lalo na nga sa katulad naming halos uugod-ugod na upang makatawid sa nasabing lagusan sa aming paminsan-minsang pagtungo sa Quiapo Church. Isipin na lamang na ang naturang proyekto ay ipinatayo ni dating Manila Mayor Arsenio Lacson para sa kaginhawahan ng taumbayan; pagkatapos ay sinarhan at sinasabing ipinaubaya ang pamamahala nito sa isang pribadong mall owner.
Ngayong binuksan na sa mga mamamayan ang Lacson underpass, hindi marahil kalabisan hilingin kay Mayor Isko Moreno ang pagtatalaga ng sapat na bilang ng security forces at service crews upang mapanatili ang seguridad at kalinisan sa nasabing lagusan. Nakapanlulumong gunitain ang malalagim na mga eksena sa naturang lugar, lalo noong panahong ito ay pinamumugaran pa ng mga lango sa droga at iba pang criminal elements na laging naghahasik ng karahasan at sindak sa ating mga kababayan. Hindi na sana dapat banggitin, subalit hindi ko malilimutan ang pagtugis at pananakit sa amin ng mga adik nang kami ay nag-aaral pa sa Mapa High School. Ang iba pang eksena ay bahagi na ng kasaysayan.
Kaakibat ng naturang direktiba ni Mayor Isko, marapat din niyang repasuhin ang iba pang umano’y mga kontrobersyal na programa ng papalitan niyang pamunuan. Dapat niyang tiyakin sa Manileño na ang mga ari-arian ng siyudad ay nananatili at hindi natitinag, lalo na ang mga ari-ariang may cultural value, tulad ng itinuturing nating mga crown jewels ng siyudad.
Masusubukan natin ngayon ang tapang at tindi ng paninindigan ng ating bagong Alkalde.
-Celo Lagmay