IPINAMALAS ng Davao Cocolife Tigers ang pagiging champion caliber matapos pasukuin ang Caloocan Supremos,76-69, sa pagpapatuloy ng 2019-2020 Maharlika Pilipinas Basketball League Lakan Season 3 elimination round Biyernes ng gabi sa Marist Gym,Marikina City.

Nagpasiklab ang bagong hugot na shooting guard na si Yvan Ludovice sa pagtikada ng 10 puntos sa second half upang ayudahan ang reigning MPBL Datu Cup Southern Division champion Tigers sa ikalawang sunod na panalo (2-0) sa kaagahang bahagi ng mabilis na lumalagong regional amateur basketball tournament sa bansa.

Maagang nagpakitang -gilas ang Supremos sa pagkamada ng double digit na bentahe sa unang yugto at nanatiling kontrolado ang laro sa kaagahan ng third quarter tampok ang mga humahaginit na tres at perimeter shooting ni Caloocan spitfire Allmond Vosotros.

Tinapatan ng mga beterano ng Davao Cocolife ang mainit na opensa ng kalaban sa ikatlong kanto pero nag-aalab pa rin ang tropang Caloocan hanggang sa ilatag na ni Tigers’ coach Don Dulayang ang malapader na depensa at madulas na opensa sa huling yugto ng laro tungo sa panalo.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Dalawang sunod na tres ang pinawalan ng bagong diskubreng Tiger na si Richard Albo higit dalawang minuto na lang sa laro na sinundan pa ng pambali ng gulugod na triple ni Billy Ray Robles na naghatid sa ikalawang panalo sa kasindaming asignatura ng Mindanao team ni Congresswoman Claudine Bautista ng Davao Occidental na suportado nina Cocolife President Atty.Jose Martin Loon,FVP Joseph Ronqullo,AVP Rowena Asnan at CHD Franze Joie Araque.

“Gumana agad ang outside shooting nila [Caloocan].Sabi ni coach [Dulay],higitan ang kanilang opensa at higpitan pa ang depensa kaya kami nakaangat sa huli.Mahusay magdala ang aming mga beterano na humawa sa aming bagito,” sambit ni Ludovice, kumamada ng 13 puntos , apat na rebounds at limang assists.

Sinabi naman ni Davao Cocolife Tigers official Ray Alao na isang mgandang pahiwatig ang maagang pag-jell ng mga bagito sa kanilang beteranong players bilang preparasyon para sa mas mabibigat na hamong kanilang haharapin sa ligang oinorganisa ni Senator Manny Pacquiao.