TATLONG Pinoy boxer, kabilang si WBC No. 13 flyweight at dating Philippine flyweight titlist Genesis Libanza, ang magiging undercard sa unification bout nina eight-division world champion Manny Pacquiao at WBA welterweight champion Keith Thurman sa Hulyo 20 sa Las Vegas, Nevada sa United States.
“Rounding out the card are a trio of Filipino contenders as Genesis Libranza battles in an eight-round flyweight bout, Jayar Inson competes in an eight-round welterweight affair and John Leo Dato enters the ring for a six-round featherweight bout,” ayon sa ulat ng BoxingScene.com.
May kartadang 18 panalo, 1 talo na may 10 pagwawagi sa knockouts, huling lumaban si Libranza nang talunin sa puntos si Mexican Gilberto Mendoza noong nakaraang Pebrero 9 sa Carson, California.
May kartada namang 18, 1 talo na may 10 pagwawagi sa knockouts, dating kampeon ng Pilipinas sa welterweight division si Imson na natalo sa kanyang unang laban sa US nang mapuntusan ng Amerikanong si Jonathan Steele noong nakaraang Enero 19 sa Las Vegas, Navada.
May perpektong rekord naman si Filipino featherweight John Leo Dato 11-0-1 na may 7 pagwawagi sa knockouts na huling nanalo nang daigin sa puntos ang beteranong Mexican journeyman na si German Meraz noong nakaraang Hunyo 1 sa San Jacinto, California.
-Gilbert Espeña